Ang Family Farm Seaside ay isang farming simulation game na hinahangaan ng marami. Mula ng ito ay inilabas ng Century Games Pte. Ltd noong 2013, patuloy na itong namayagpag at kinilala sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa kasalukuyan, ito ay nakapagtala ng mahigit sa 50 milyong downloads sa Google Play Store. Kung naghahanap ka ng isang farming game na kakaiba at puno ng hamon, hindi mo ito dapat palampasin.
Ang layunin ng mga manlalaro rito ay palawakin at palaguin ang island farm. Upang magawa ito, dapat silang makibahagi sa iba’t ibang farm activities tulad ng pagtatanim, pag-aani at paggawa ng mga produkto. Sa kanilang mga kamay nakasalalay kung paano nila pagyayamanin ang farm.
Paano I-download ang Laro?
Ang larong ito ay libreng mada-download at malalaro gamit ang Android at iOS devices. Maaari mo itong hanapin sa Play Store o sa App Store. Sa kabilang banda, kung nais mong laruin ito gamit ang computer device, maaari mong i-download ang apk file nito sa laptop o desktop at i-run gamit ang anumang lehitimong emulator. Bilang alternatibo, maaari mo ring i-click ang mga sumusunod na link:
Download Family Farm Seaside on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.funplus.familyfarm
Download Family Farm Seaside on iOS https://apps.apple.com/ph/app/family-farm-seaside/id539920547
Download Family Farm Seaside on PC https://pcmac.download/app/539920547/family-farm-seaside
Ultimate Guide para sa mga Manlalaro
Ang iyong farming adventure ay magsisimula sa sandaling makatanggap ka ng liham mula sa mga magulang nina Darryl at Felicia. Hihilingin nilang tumulong ka sa kanilang island farm. Mag-eenjoy ka rito sa iba’t ibang activities tulad ng pag-aalaga ng mga hayop, pagtatanim, pag-aani at iba pa.
Para makapaglaro ng Family Farm Seaside, kinakailangan mo ng maayos na internet connection. Gayundin, inirerekomenda ng Laro Reviews na mag-log in ka gamit ang iyong Facebook o Google Play Games account upang mai-save ang iyong game progress. Sa pamamagitan din nito ay maaari mong maging island neighbors ang iyong mga kaibigan. I-click lang ang settings icon sa kanang bahagi ng iyong gaming screen at i-tap ang login option.
Ang mga sumusunod ay tungkol sa gameplay at features ng farming app na ito. May tips at tricks din dito na makakatulong sa’yong paglalaro.
- Gameplay
Sa unang bahagi ng laro ay makikilala mo ang game character na si Darryl. Siya ang magtuturo ng pangunahing farm tasks tulad ng pagtatanim, pag-aani at iba pa. Tandaan na sa iyong mga kamay nakasalalay ang kahihinatnan ng island farm. Huwag kaligtaang i-check palagi ang Missions at ang Daily Task List na makikita sa kaliwang-itaas na bahagi ng gaming screen. Sa pamamagitan ng pagtupad sa mga ito ay makakakuha ka ng mahahalagang kalakal at gantimpala na hindi mo makukuha mula sa regular farm activities.
Habang nagli-level up ka sa laro, magagawa mong palawakin at paramihin ang iyong produkto. Sa tuwing mag-aani ka ng mga gulay at prutas o kaya ay mangongolekta ng produkto mula sa mga hayop, makakakuha ka ng game resources tulad ng coins at cash. Ang mga ito ay maaaring gamiting pambili ng items at pambayad para mapalawak ang taniman. Bukod sa mga ito, makakaipon ka rin ng ilang stars o XP na nagsisilbing batayan para makapag-level up ka. Tandaan na ang lawak ng iyong lupain ay may malaking epekto sa iyong paglalaro at pag-unlad.
- Mystrons
Bukod sa coins at cash, ang Family Farm Seaside ay gumagamit ng natatanging in-game currency, ang Mystron. Maaari mo itong gamiting pambili ng special items na makakatulong ng malaki sa laro. Ito ay nahahati sa limang uri ayon sa taglay nitong kulay. Ang Green Mystrons ang itinuturing na pinakamahalaga sa lahat. Ang mga ito ay makukuha sa pamamagitan ng paggawa ng farm activities tulad ng pangingisda, paglilinis, Daily Quests, at marami pang iba. Sa kabilang banda, ang Yellow Mystrons naman ay makukuha sa Achievement House, Quests, Chest at ilang discounted na dekorasyon. Ang Blue Mystrons ay karaniwang matatagpuan sa Order Board, Coffee House Quests at iba pa. Samantala, makakakuha ka ng Purple Mystrons mula sa Farm Beauty Contest, habang ang Red Mystrons naman ay mula sa Buddy Trees.
- Farm Structures at Facilities
Bukod sa mga halaman at hayop, marami ring farm facilities sa larong ito. Narito ang mga pangunahing istruktura na madalas mong magagamit sa laro:
Warehouse – Ito ang nagsisilbing imbakan ng ekstrang items, tools at mga hayop. Kailangan mo lang kunin ang mga ito mula sa warehouse para gamitin.
Factory – Dito ay maaari mong pagsama-samahin ang iba’t ibang items upang makabuo ng bagong kagamitan at iba pa. Tandaan na ang mga materyales dito ay maaring lamang gamitin sa partikular na tasks at game stages.
Community Treasure Land – Dito ay pwede mong ipadala ang iyong mga alagang hayop para sa kakaibang pakikipagsapalaran upang makakuha ng rewards.
Fish Market – Maaari mong ibenta ang mga isdang nahuli mo mula sa lake dito kapalit ng Shells. Ang Shells na maiipon mo ay maaring ipambayad upang ma-unlock ang mas matataas na uri ng isda.
Laboratory – Dito ay magtatrabaho ka kasama si Grandpa. Gagawin ninyong mas makabago ang farm equipments at gagawa kayo ng mga hybrid na pananim. Maaari mo ring i-level up ang mga tradisyunal na farming methods dito.
Pros at Cons ng Family Farm Seaside
Ang Family Farm Seaside ay kinahuhumalingan ng maraming mahihilig sa farm simulation games. Hindi ito madaling pagsawaan dahil palagi itong may mga bagong paandar. Bawat update nito ay nagdaragdag ang developers ng iba’t ibang tasks at mga hamon. Kung ikukumpara ito sa iba, kapansin-pansin talaga ang malaking kalamangan nito. Gayundin, ang graphics at visual effects ay nakakaakit at ang gameplay nito ay balanse at patas. Ang Wheel of Fortune feature nito ay nagbibigay-daan sa mga manlalaro na magkaroon ng libreng spin bawat araw. Sa pamamagitan nito ay nagkakaroon sila ng pagkakataong manalo ng special game items.
Samantala, may ilang manlalaro rin ang nadidismaya sa ibang aspeto ng farm game na ito. Marami ang naiinis sa mga aksidenteng pagkawala ng kanilang game data at progress dahil sa problema sa pag-link ng game account sa Facebook. Sa katagalan ay nagiging pahirapan ding makapaglaro ng libre. May mga pagkakataon kasi na napipilitang gumastos ang karamihan para sa in-app purchases upang makausad sa susunod na game level. May mga manlalaro ring hindi nagustuhan ng pagiging kumplikado ng farm game na ito at nagrereklamo tungkol sa tila walang katapusang tasks.
Konklusyon
Ang Family Farm Seaside ay isang game app na nag-aalok ng iba’t ibang aktibidad na may kaugnayan sa pamamahala ng island farm, pagsasaka, pag-aalaga ng mga hayop, pangingisda, pagluluto, at iba pa. Sa kasalukuyan, ito ay may average rating na 4.4 stars mula sa mahigit isang milyong reviews sa Play Store. Sa kabilang banda, mayroon naman itong 4.6-star rating mula sa halos 1,000 reviews sa App Store. Sa kabuuan, inirerekomenda ng Laro Reviews ang farm simulation game na ito. Ang iba’t ibang aktibidad nito at mapanghamong gameplay ay tiyak na magdadala ng saya at tuwa sa marami lalo na sa mga mahilig sa ganitong uri ng laro.