Climb the Stair Review

Sabi ng isang sikat na kasabihan: “Ang kalusugan ay kayamanan,” kaya naman marami sa atin ang talaga namang may matinding pagnanais na mapanatiling malusog ang kanilang mga sarili. Ang iba ay naglalaan ng oras sa mga fitness gym kasama ang kanilang mga gym instructor upang doon gawin ang pag-eehersisyo, marami rin namang maagang gumigising at pinipiling mag-jogging kasama ang mga alagang aso, o mga kaibigan. Sa pananalasa ng pandemya, higit na sinubok ang ating kakayahan na mapanatiling malusog ang ating mga katawan upang labanan ang COVID-19 virus. Ngunit gustuhin man ng marami sa atin na lumabas upang sumali sa mga marathon, jogging, o pumunta sa mga fitness gym, nariyan pa rin ang banta ng nasabing virus kaya naman mas higit na makabubuting manatili na muna sa mga bahay at samahan ang character ng Climb the Stair na tumakbo paakyat ng hagdan.

Paano nilalaro ang Climb the Stair

Kung pag-uusapan ang mechanics ng laro, masasabi ng Laro Reviews na ang larong ito ay pinakasimple at pinakamadali. Hindi mo na kailangan pa ng mga kumplikadong control panel, o mag-isip ng magagandang game combo upang maipanalo ang laro. Kinakailangan mo lamang pindutin nang pindutin ang game screen upang tuluy-tuloy ang pagtakbo paakyat sa hagdan ng iyong game character.

Upang maipanalo ang laro, kailangan ng bilis sa pagpindot upang maabot ang pinakadulo ng hagdan at malaro ang panibagong game level. Ngunit tandaan na katulad nating mga tao ay napapagod din ang character ng laro kaya kailangan niya ng kaunting pahinga at tubig upang manumbalik ang kanyang stamina. Hindi mo na kailangan pang gamitin ang water sa chest upang matanggal ang uhaw, ang dapat mo lamang gawin ay tumigil saglit sa pagtakbo hanggang sa manumbalik ang lakas ng iyong character, ilang segundo lamang ang iyong hihintayin para muling tumuloy sa pagtakbo.

Saan pwedeng ma-download ang Climb the Stair?

Maaaring gamitin ang sumusunod na links upang i-download ang laro:

Download Climb the Stair on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.fubugames.stairclimber

Download Climb the Stair on iOS https://apps.apple.com/us/app/climb-the-stair/id1606929192

Download Climb the Stair on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.fubugames.stairclimber-on-pc.html

Features ng Laro

  • Stamina – Ang larong ito ay mayroong tinatawag na mga chest kung saan maaari kang makakuha ng mga reward sa laro at kung papalarin, isa mga mahahalagang makukuha mo ay ang tinatawag na stamina power, kaya nitong ibalik muli ang mga nawala mong lakas sa pagtakbo.
  • Extra Money – Hindi lamang sa lotto o mga raffle draw maaaring makatanggap ng pera dahil sa larong ito, marami kang pagkakataon na makaipon ng malaking halaga ng pera sa pamamagitan lamang ng pagtakbo.
  • Water – Itinuturing na isa mga pinakamahalagang pangangailangan ng lahat ng nabubuhay sa mundong ito ay ang tubig. Walang sinuman ang maaaring mabuhay nang matagal ng hindi umiinom ng tubig kaya maging sa larong ito, kailangan ng game character ang tubig upang makapagpatuloy sa pagtakbo.
  • Flying Pet – Sa pinakahuling update ng laro, hindi na lamang nag-iisa ang iyong game character dahil may makakasama na siyang ibon sa pagtakbo hanggang makarating sa pinakadulo ng hagdan. Sa unang paggamit, nagbibigay ito ng pambihirang bilis sa iyong game character.
  • Different Environments – Ang bawat game level ng laro ay mayroong pagkakaiba pagdating sa paligid kung saan idinaraos ang laro, mayroong ginaganap sa medyo may kadilimang campground at mayroon din namang ginaganap sa maliwanag na paligid kapag narating mo na ang city.

Pros at Cons ng Laro

Kung wala kang ginagawa sa bahay at nabuburyong na sa mga araw-araw na ginagawa, o sadyang nalulumbay sa kasalukuyang sitwasyon, maaari mong laruin itong Climb the Stairs dahil taliwas sa ibang laro na mayroong kumplikadong mechanics, iisa lamang ang gagawin ng mga manlalaro rito at iyon ay pumindot lamang nang pumindot upang tuluy-tuloy na tatakbo ang game character. Pwede itong laruin ng mga bata at maging ng mga matatanda.

Sa kabilang banda, halos hindi naman mabilang ang mga negatibong katangian mayroon itong laro. Una na rito ay ang sandamakmak na mga ads na laging sumusulpot. Sa bawat game level ay mahigit sa dalawa ang lumalabas na ads at tumatagal ng 30 segundo ang bawat isa. Bukod pa rito, mayroon pang mga pop-up ads na sadyang nakakainis dahil kahit hindi mo pindutin ay direkta ka nitong dinadala sa mga online shopping store, at iba pang advertisement ng mga produkto.

Sa katunayan, magagamit mo lamang ang mga reward, kagaya ng stamina, tubig at extra money sa mga chest kapag pinindot mo ang watch button ad ng laro. Kung hindi mo pipindutin ang mga ito at panonoorin ang mga ad ay hindi mo mapapakinabangan ang mga nabanggit na reward. Nakakalito rin ang larong ito dahil kapag pinagpahinga mo ang karakter sa laro upang mapawi ang kanyang pagod at uhaw. Sa muli mong pagtakbo ay bigla ka na lamang matatalo. Walang mga babala na nagsasaad na pagod pa ang karakter sa laro, o nangangailangan pa ito ng mas mahabang pahinga.

Kapag naman nalagpasan mo na ang campground at narating mo na ang city, halos wala ng saysay upang ipagpatuloy pa ang laro dahil wala na ring pinagkaiba ang gagawin mo sa mga nalampasan mo ng game level. Maging ang mga reward na nilalaman ng mga chest ay kapareho rin ng mga nakuha mo na sa pag-uumpisa ng laro.

Kung pag-uusapan naman ang teknikal na aspeto ng laro, nakakadismaya rin ang palaging pagkakaroon ng lagging at glitching sa laro. Habang patuloy na tumutunog ang background music, hindi mo naman mapindot ang screen ng iyong device at kung magawa mo man ito ay nagkakaroon ng delay. Bukod pa rito, ang lakas din ng vibration sa laro at hindi maitatangging nakaka-distract ito sa paglalaro.

Konklusyon

Sa kabuuan, higit na naniniwala ang Laro Reviews na kinakailangang masolusyunan ng developer ng larong ito ang mga nabanggit na kahinaan at puna. Dapat isaalang-alang ang tunay na diwa ng mga laro – ang makapagbigay-aliw sa mga manlalaro at hindi ang dumagdag sa kanilang mga stress sa buhay. Bukod sa pag-ayos ng mga problema sa teknikal na aspeto, nararapat din na bawasan ang dami ng ads sa laro, o di kaya ay gawin na lamang itong optional.

Sa totoo lang, hindi maitatanggi na mas marami pang magagandang laro kumpara sa Climb the Stairs. Mga larong hindi nagtataglay ng mga nakakainis na ads at mayroong mas kapanapanabik na mga pagsubok at hindi paulit-ulit. Sana nga lang ay hindi na hintayin pa ng developer na maubos lahat ng mga manlalaro nito bago gumawa ng aksyon upang higit na mapaganda ang kalidad ng laro. Higit sa lahat, pagtuunan sana ng pansin ang mga suhestiyon at hinaing ng mga manlalaro.