Ano ang Event Twins: Design and Blast?
Ang Event Twins: Design and Blast ay isang libreng mobile app na gumagaya ng iba’t ibang mabibigat na trabaho sa pagpaplano at koordinasyon ng mga kaganapan sa masaya at nakaka-relax na paraan. Ang laro ay may kasamang storyline patungkol sa kung paano ang Twins’ Event Design Company ay nakagawa ng paraan upang matulungan ang kanilang mga kliyente sa pagtupad ng kanilang pangarap. Kailangan mong lutasin ang ‘match-three puzzles’ habang gumagawa ng iba’t ibang gawain sa twins’ workpad. Ang bawat puzzle ay mas humihirap habang umuusad ka sa laro. Ang Event Twins: Design and Blast ay maaaring i-download dito:
- Download Event Twins: Design and Blast on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.fomo.eventtwins&hl=en&gl=TR
- Download Event Twins: Design and Blast on iOS https://apps.apple.com/tr/app/event-twins-design-blast/id1533777897
Event Twins: Gabay para sa mga baguhan
Ang kwento ng Event Twins ay nagsisimula sa kambal na sina Jen at Sarah na sobrang magkaiba ang katangian at kapalaran. Si Jen ay mas pinili na sundan ang kanyang pangarap na trabaho, habang si Sarah naman ay bumuo ng sariling pamilya. Si Jen ay naging isang top agent ng sikat na kumpanya sa event planning. Sa kasamaang palad, ang kumpanyang iyon ay na-bankrupt at nawala ang kanyang pangarap na trabaho. Nawawalan na nang pag-asa si Jen nang bigla siyang tawagan ni Sarah para bumuo ng isang event designing company. Nagtulungan ang kambal upang magawa nila ang bawat pangarap ng kanilang mga kliyente.
Ang unang trabaho na natanggap nila mula sa isang kliyente ay para gawin ang isang magarbong reception ng kasal sa isang natural na setting. Pinili ng kliyente ang gitna ng kagubatan upang maging reception ng kasal at nakaparaming kailangang gawin dito. Kaya naman kailangan nila ng tulong upang matapos at masiyahan ang kanilang kliyente. Ang unang gawain ay i-landscape ang lugar sa pamamagitan ng pagputol ng mga damo. At para gawin ito kakailanganin mong matapos ang isang makulay na ‘match-three puzzle’. Kagaya nang nabanggit kanina, ang larong ito ay maraming match-three puzzles upang makausad sa kwento. Huwag kang mag-alala dahil napakadali lang ng unang puzzle.
Makakakuha ka ng ‘coins’ at ‘stars’ sa tuwing matatapos mo ang isang ‘match-three puzzle’. Ito ang gagamitin mo sa pagtapos ng mga gawain sa twin’s workpad. Makikita mo ang twin’s workpad kapag pinindot mo ang icon sa ibabang kaliwang bahagi ng screen. Bibigyan ka ng iba’t ibang gagawin sa twin’s workpad habang umuusad ka sa laro kung saan lalabas sa iyong screen ang susunod mong iso-solve na match-three puzzle. Isa sa mga maaaring ibigay sa iyo na gawain ay gumawa ng dance floor, mag-ayos ng stage o pumili ng mga mesa na babagay sa iyong proyekto.
Dahil ito ay isang laro ng ‘events design’, maaari kang magdisenyo nang naaayon sa iyong kagustuhan. Halimbawa, kapag ang dapat mong gawin ay bumuo ng dance floor, maaari kang mamili ng design sa tatlong pagpipilian. Gayundin ang gagawin sa iba pang gawain na maaaring ibigay sa iyo habang patuloy na naglalaro.
Mga Tampok sa Event Twins
Bukod sa pagpapaganda at pagko-coordinate ng iba’t ibang kaganapan gaya ng birthday, kasal, retirement o ano pang magarbong handaan, at pagso-solve ng ‘match-three puzzles,’ ang larong ito ay marami pang kapanapanabik na tampok gaya ng mga sumusunod:
- Pagtuklas sa mga nakaka-relax na landscape
Ang larong ito ay umiiikot sa iba’t ibang kamangha-manghang landscape na kailangan mong pagandahin ayon sa kagustuhan ng iyong kliyente. Syempre pa, isa sa mga kailangan mong gawin sa umpisa ay ang pag-aayos ng buong lugar.
- Pagbibihis sa iyong mga kliyente
Mayroon ding pagkakataon sa kwento na kailangan mong bihisan o damitan ang iyong mga kliyente kagaya nang paggawa ng napakagandang bridal gown. Gawing mga fashionista ang iyong mga kliyente gamit ang iyong kakayahan.
- Paggawa ng mga showroom
Sa pagsikat mo ay magkakaroon ka rin ng sariling showroom na maaari mong ialok sa iyong mga customer. Pumili at i-display ang pinakamagandang likha o disenyo mo.
- Pagkilala sa ibang mga karakter.
Makipag-ugnayan sa iyong mga kliyente, kapamilya at kaibigan na susuporta sa iyo sa pagkamit mo ng iyong pangarap.
Related Posts:
Temple Run 2 Review
Blackout Bingo – Win Real Cash Review
Mga Tips at Tricks sa Event Twins: Match-three puzzle
Ang pagso-solve ng mga ‘match-three puzzle’ ay napakadali lamang sa simula ng iyong paglalaro ngunit mas humihirap ito sa pagtaas ng iyong level. Ito ang ilan sa mga teknik na maaari mong gamitin sa paglalaro:
- Gumawa ng power-ups
Gumawa at gumamit ng power ups upang mapadali ang laro. Narito ang mga halimbawa ng power-ups:
Rocket: Ang rockets ay nabubuo kapag pinagsama ang grupo ng lima o anim na magkakakulay na bloke. Kapag tinap ito, maaalis lahat ng bloke na pataas o pahalang depende kung saan nakaharap ang mga ulo nito. Maaari rin itong sumabog kapag natamaan ito ng isa pang rocket o bomba.
Bomb: Ang bomba naman ay nabubuo kapag pinagsama ang grupo ng pito o walo na magkakakulay na bloke. Kapag tinap ito, puputok ang mga nakapalibot na bloke sa tabi nito. Tulad ng mga rocket, ang bomba ay maaari ring sumabog kapag natamaan rin ito ng isa pang rocket o bomba.
Disco Ball: Ang disco ball ay nabubuo kapag pinagsama ang grupo ng siyam na magkakakulay na bloke. Kapag tinap mo ang disco ball, lahat ng kakulay nitong bloke ay mawawala.
- Pagsamahin ang power-ups
Maaari mong pagsamahin ang mga power-ups kapag sila ay magkakatabi upang magkaroon ng mas malakas na pagsabog. Halimbawa, maaari mong pagsamahin ang isang rocket sa isang lila na disco ball. Kapag ginawa mo ito, tila lahat ng bloke ay magiging rocket. Gaya nito, kapag pinagsama mo ang bomba at disco ball, lahat ng kakulay na bloke sa disco ball ay magiging bomba at magkakaroon ng malawakang pagsabog.
- Gamiting maigi ang power-ups
Maraming pagkakataon na ang nagawang power-ups ay hindi na kailangan pang gamitin sa puzzle board. Kaya kailangan mong pag-isipan kung kelan dapat gamitin ang mga power-ups. Maaari mong ipunin muna ang mga ito upang pagsamahin na lang sila sa mas malakas na eksplosyon.
Ang Pagsusuri
Kahanga-hanga ang pangkalahatang graphics ng Event Twins. Mahusay ang pagkakagawa maging ang mga maliliit na detalye. Bilang karagdagan, ang laro ay hindi nagla-lag kahit pa ito ay may detalyadong graphics. Lubhang inirerekomenda ang larong ito kung naghahanap ka ng mga larong hindi nagla-lag. Napakahusay din ang user interface nito. Ang mga napiling disenyo ay automatic na maipapakita kapag na-tap. Ang pagpapalit ng mga disenyo ay ginagawa din sa pamamagitan lamang ng pag-tap. Bukod pa doon, maraming twist ang plot ng storyline. Hindi ka magsasawa sa mga melodramatic na kaganapan na ipinapakita sa kwento.
Ang Event Twins ay isang magandang panggagaya ng mga aktwal na pangangailangan ng isang event designer o coordinator sa totoong buhay. Kahit na ang paglilinis ng lugar at pag-install ng iba’t ibang mga disenyo ay mas mabigat na gawain sa totoong buhay, ang mga manlalaro ay magkakaroon ng konsepto ng kung ano ang nangyayari sa ganitong klase ng negosyo.
Ang tanging bagay na maaaring medyo malayo sa konsepto ng laro ay ang pagsasama ng match-three puzzle. Bagama’t maraming laro ang gumagamit ng konseptong ito, ang paglalaro ng match-three na puzzle para sa bawat task na iyong gagawin ay nakakainis minsan. Maaaring ring mag-isip ng iba pang mga twist ang developer tulad ng paglalagay ng crossword puzzle, jigsaw puzzle o iba pang aktibidad upang hindi paulit-ulit na gameplay. Gayunpaman, ang pagsasama ng mga match-three puzzle ay nakakaaliw din para sa ibang manlalaro.
Maganda rin na magdagdag ang developer ng pagpipiliang designs bukod sa tatlong presets na ibibigay sa iyo. Pwede ring magdagdag sila ng blanko na canvas para sa mga manlalaro upang makaguhit sila ng kanilang gustong disenyo. Sa ganitong paraan, masasanay talaga ang mga nangangarap na maging event designers sa pag-aayos at mga preparasyon bago ang events.
Konklusyon
Ang Event Twins ay isang perpektong laro para sa mga nagnanais maging events designer. Masisiyahan ka sa pagdidisenyo ng mga venue at pagbibihis ng mga kliyente. Hindi ka magsasawa sa larong ito habang sinusundan mo ang melodramatic na storyline ng kambal na sina Jen at Sarah, hanggang maabot nila ang rurok ng tagumpay. Tuklasin ang iyong husay sa pagdidisenyo at interpersonal skills upang makakuha ng mga customer!
Laro Reviews