Merge Monster: Frog Evolution Review

Isang araw ay nagising ka na lamang sa isang balitang nilulusob na ng masasamang nilalang ang iyong nasasakupan kaya upang ipagtanggol ang iyong sarili at ang iyong mga kasamahan, kailangan mong tapatan ang pwersa ng mga kalaban. Ang larong Merge Monster: Frog Evolution Revolution ay isang fusion game na likha ng Rocket Game Studio Arcade.

Sa larong ito, kailangan mong i-merge ang iyong in-game characters na magkakatulad upang mag-evolve sila bilang isang higit na mas malakas na character. Ang pinakapangunahing layunin mo ay ang matalo lahat ng mga kalaban sa bawat round ng laban upang mas lalong lumaki ang halaga ng perang iyong matatanggap at upang mabuksan ang mga ‘new environment’ feature ng laro. Kailangan mo ring maging matalino sa pagpili ng posisyong paglalagyan ng iyong mga character upang makasiguro ng panalo sa laro.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Ang mga makakaharap na kalaban sa bawat round ay mayroong pagkakaiba pagdating sa bilang at statistics. Sa mga unang level ng laro, hindi mo pa kailangang bumili ng mga karagdagang character dahil sapat na ang kakayahan ng mga nakukuha mong mga in-game character upang patumbahin ang mga kalaban. Ngunit pagdating sa matataas na level ng laro, huwag nang mag dalawang isip pang gamitin na ang iyong mga nakukuhang pera upang bumili ng karagdagang mga mandirigma.

Habang parami nang parami ang mga game level na iyong nabubuksan, mas lalo ring lumalaki ang halaga ng rewards na iyong makukuha dahil umaabot ng halos 30 porsyento ang itinataas nito. Hindi pa kasama rito ang milyun-milyong salaping iyong matatanggap kung manonood ka ng mga video advertisement sa laro. Subalit tandaang hindi dapat maliitin ang mga kalaban, lalo na ang mga nag-iisa dahil paniguradong mas mahirap silang patumbahin, dahil mas mabilis silang umatake at pumaslang.

Sa larong ito, hindi lang dapat kung saan-saang pwesto inilalagay ang iyong mga character na isasabak sa laban. Kailangan mong pag-isipan nang mabuti kung sino sa mga ito ang ilalagay mo sa harap at kung sino ang ilalagay sa likurang bahagi. Sa pagkakataong ito, iminumungkahi ng Laro Reviews na ilagay ang iyong mga shooter sa pinakalikod ng arena upang magkaroon sila nang mas mahabang panahong barilin ang mga kalaban. Samantala, dapat namang ilagay sa unahan ang iyong mga puncher upang sila ang bahala sa iyong first line of defense.

Sa karagdagan, may mga character ka ring may mabababang statistics na sa isang suntok lamang ng kalaban, o isang tama ng bala ng baril ay agad na namamatay, kaya kung sakaling may mga ganitong uri ka ng warrior sa arena, i-merge na ang mga ito upang mag-evolve sa isang bago at higit na mas malakas na character.

Ang pagmi-merge ng mga character ay hindi lamang isang beses pwedeng gawin dahil kapag nag-merge ka ng dalawang characters at ang evolved character nilang dalawa ay nagkataong mayroon ding kapareho, maaari mo ring i-merge ang mga ito. Ang chain na ito ay pwedeng gawin hanggang may natitirang magkaparehong character sa arena.

Higit sa lahat, kailangan mong makaipon ng malaking halaga ng pera dahil habang parami nang parami ang game levels na iyong nabubuksan, mas lalo ring tumataas ang presyo ng mga character na pwedeng bilhin. Halimbawa, ang dating ₱5,000 worth na character ay magiging ₱500,000 worth na pagdating ng level 10. Bago mag-umpisa ng laro, dapat na masiguradong kakayanin ng iyong mga mandirigma ang mga kalaban kaya kung sa tingin mo ay malalakas ang mga ito, dapat ka nang magdagdag ng iyong characters.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at i-download naman ang MeMu Play android emulator sa PC para malaro ito rito. Sa kasalukuyan, hindi pa available ang larong ito sa App Store. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Merge Monster: Frog Evolution on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.atsoft.merge.monster

Download Merge Monster: Frog Evolution on PC https://www.memuplay.com/uk/how-to-play-com.atsoft.merge.monster-on-pc.html

Mga Feature ng Laro

  • Easy Mechanics – Sa larong ito, hindi mo na kailangan pang problemahin kung paano kontrolin ang iyong mga character na nasa loob ng arena dahil awtomatiko nang gumagalaw ang mga ito. Kailangan mo na lamang ilagay sa tamang pwesto ang iyong mga shooter.
  • Endless Battle – Subukin ang iyong galing sa pakikipaglaban sa larong ito at ihanda ang iyong sarili na talunin kahit ang pinakamalalakas na mga kalaban.
  • Puzzle-like game – Hindi lamang galing sa pakikipaglaban ang dapat mong gawin sa larong ito. Gamitin rin ang iyong lohika upang magkaroon ng magandang strategy para matalo ang mga kalaban.
  • Video Advertisement – Sakaling mauubusan ka ng in-game currency sa larong ito, napakalaking tulong ng mga advertisement sa larong ito upang makatanggap ka ng hanggang milyung-milyong libreng pera.
  • Can be played both Online and Offline – Hindi kagaya ng ibang laro na maaari lamang malaro kapag mayroon kang internet access, ang Merge Monster: Frog Evolution ay pwedeng-pwedeng laruin kahit offline.

Pros at Cons ng Laro

May mga larong sadyang nilikha para maging isang magandang pampalipas-oras lamang at isa na nga rito ang Merge Monster: Frog Evolution. Para sa Laro Reviews, walang dudang ang larong ito ay isa sa mga pinakamadaling laruin sa lahat ng genre ng mobile game. Hindi kagaya ng mga RPG, sports games at action games, hindi mo na kailangan pang mag-isip ng kung anu-anong power-ups na kailangang gamitin laban sa mga kalaban.

Tunay na nakakagaan din sa pakiramdam ang graphics ng laro sapagkat halos lahat ng New Environment feature ng larong ito ay maaliwalas at punung-puno ng mga makukulay na bagay. Maging ang mga warrior at mga kalaban ay mayroong ding makukulay na mga kasuotan. Maliban pa rito, walang kailangang ipangamba ang mga magulang sakaling laruin ng kanilang mga anak ang larong ito sapagkat hindi nagtatampok ng mga malalaswang larawan ang larong ito. Hindi rin ganun karahas ang labanan sa larong ito dahil walang dugong makikita at tanging palitan lamang ng hampasan ang makikita sa screen.

Sa kabilang banda, isa sa mga hindi nagustuhan ng Laro Reviews sa larong ito ay ang pagkakaroon nito ng labis-labis na pop- ads sakaling naka-on ang iyong data o wifi. Kadalasan, hindi rin nabubuksan ang mga video-advertisement kaya kailangan mo pang i-restart ang laro para subukang muling mabuksan ang mga optional ad. Maliban sa isyu ng ads, nakakairita rin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga character kaya kahit pa milyon ang rewards na iyong makukuha sa matataas na level, sapat lang din ito para sa presyo ng isa, o dalawang low-stat characters.

Konklusyon

Sa pangkalahatan, kung naghahanap ka lamang ng isang laro bilang pampalipas-oras, tiyak na magugustuhan mo ang Merge Monster: Frog Evolution. Ngunit kung ang hanap mo namang laro ay pangmatagalan, masasabi ng Laro Reviews na hindi ito ang perpektong laro para sa iyo. Pero wala namang masama kung susubukan mong laruin ito, kaya i-download na ang Merge Monster: Frog Evolution sa iyong digital marketplace.