Solitaire Tribes: Tripeaks game Review

Marami sa atin ang nahuhumaling sa paglalaro ng mga card game Bukod sa nakaka-relax itong laruin, hindi mo na rin kailangan ng ibang kalaro sa ilan sa mga game card kagaya na lamang ng solitaire. Ang larong ito ay masasabing hindi na bago para sa karamihan lalo na sa mga taong ipinanganak noong 90s. Hindi maikakaila na marami sa mga laro noon ang tuluyan ng nalipasan ng panahon at hindi na naranasan ng mga bagong henerasyon. Ngunit ang larong solitaire, masasabi mang makaluma ang laro, ay nananatiling matatag dahil hanggang ngayon ay patuloy pa rin itong nalalaro, hindi na lamang sa cards kundi maging sa online world na. Sa katunayan, kung pupunta ka sa mga game store upang maghanap ng larong solitaire, tiyak na maduduling ka sa dami ng lalabas. Mayroong mga halimbawa ng Klondlike, Spider, FreeCell, Pyramid at ang pinakabago sa lahat ang Tripeak.

Ano nga ba ang Tripeak solitaire? Kung sa spider solitaire at iba pang classic na laro ay kailangan mong makabuo ng mga hanay, sa tripeak naman ay sa halip paghiwalayin ang deck ayon sa pagkakasunod-sunod ng numero, kailangan mong sirain ang mga pyramid sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga card. Ganito rin nilalaro ang Solitaire Tribes: Tripeaks game. Ang pangunahing layunin ng mga manlalaro ay maubos lahat ng mga card na nasa tableau bago maubos ang mga reserbang card sa ibaba. Una, tanggalin ang lahat ng cards mula sa tableau, kailangang pindutin ang mga bukas na card na mas mataas ng isang puntos o mas mababa ng isa sa card na hawak mo. Gawin ito ng paulit-ulit hanggang sa tuluyang maubos ang mga card sa tableau.

Paano naiiba ang Solitaire Tribes: Tripeaks game sa ibang laro ng Tripeak?

Kung matagal ka ng naglalaro ng tripeak o may karanasan na sa paglalaro nito, marahil batid mong may iisang game place lamang ang laro o kung nagbabago-bago man ay wala na itong kalakip na kwento. Ngunit, ang Solitaire Tribes: Tripeaks game ay may kakaibang pasabog dahil hindi lamang ito basta isang classic tripeak game. Kaakibat ng laro ay ang layunin mong matulungan si Aurora na masolusyunan ang mga problemang kinakaharap ng mga tribu. May mga pagkakataon din na magpapakain ka ng mga alagang hayop nila at maging ang pumitas ng mga bulaklak sa kagubatan.

Features ng laro

  • Hundreds of game levels – Bukod sa napakaraming game levels sa laro, hindi ka basta-bastang makakaalis sa isang game level ng hindi maayos ang iyong strategy upang matanggal lahat ng cards sa tableau. Kailangan ang matalinong desisyon upang maipanalo ang laro;
  • Play for Free – Hindi mo na kailangan pang gumastos ng pera upang malaro ito dahil bukod sa libre ay malalaro rin ito ng offline;
  • Unlimited Game Bonuses – Maraming reward ang pwedeng makuha sa larong ito, kagaya ng joker na pwedeng gamitin upang magtanggal ng kahit anong card sa tableau, mayroon din undo-button kung saan may pagkakataon kang ulitin ang pagpindot sakaling may nakaligtaan kang card.
  • Different Tribes – Hindi lamang isa, dalawa, o tatlo ang tribong nandito sa laro. Sobrang dami ng makikilala mo sa laro at ang bawat isa ay may kanya-kanyang kwento at kasuotan.

Saan maaaring ma-download ang laro?

Maaaring ma-download ang laro gamit ang sumusunod na links:

Download Solitaire Tribes: Tripeaks game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.herocraft.game.free.solitaire.tribe

Download Solitaire Tribes: Tripeaks game on iOS https://apps.apple.com/us/app/solitaire-tribe-grand-tripeaks/id1542190469

Tips para sa mga Nagsisimula

Kung bago ka pa lang sa laro, kailangan mong sundin ang instruction na ibinibigay sa umpisa ng laro, tandan kung paano gamitin ang mga rewards at iba pang game bonuses. Ngunit may mga bayad ang mga ito kaya hindi ka dapat basta-basta na lamang gumamit ng mga ito. Hangga’t maaari ay huwag gumamit ng mga bonuses upang makatipid sa coins. Kung hindi man maiiwasan, sa bandang dulo mo na lang gamitin kapag mas mababa na sa lima ang natitira mong cards.

“Think before you click,” ika nga ng isang kasabihan – kaya bago pumindot, timbangin munang mabuti ang mga moves na gagawin sa laro. Laging mag-isip ng advance, kung alam mong mas marami pa ang hindi lumalabas na card na may mas mataas ng numero sa hawak mo, iyon ang pindutin mo upang mas marami ang tyansa na marami kang matatanggal na cards gamit lamang ang isa.

Higit sa lahat, huwag magmadali sa laro dahil wala itong time limit. Hindi ito kagaya ng sa iba na mayroon lamang dalawang minutong palugit upang matapos ang isang game level kaya gamitin ito upang timbangin ang mga desisyong gagawin. Tipirin ang coins para sa mga mas mahirap na game level.

Pros at Cons ng laro

Hindi na bago sa atin ang makakita ng mga larong may kaaya-ayang graphics. Ngunit dalawang salita lamang ang masasabi ng Laro Reviews sa Solitaire Tribes: Tripeaks game: “walang kapantay.” Hindi ito isang kasinungalingan dahil habang nilalaro mo ito, iisipin mo talagang nasa maganda kang lupain kung saan hitik sa bunga lahat ng mga punong kahoy at lahat ng kulay sa paligid ay pawang matitingkad.

Wala ka ring magiging problema sa musika o tunog na nanggagaling sa laro – banayad ang mga ito pakinggan at sadyang nakaka-relax sa isip kaya naman hindi ka mangangambang baka maistorbo mo ang mga katabi habang naglalaro.

Sa karagdagan, bukod sa mga daily reward, maaari ring makatanggap ng libreng coins kapag nag-log-in ka sa Facebook o nagpadala ng imbitasyon sa mga kaibigan para laruin ang larong ito.

Ang problema sa bugging at lagging, sa kabutihang palad, ay nabigyan na rin ng solusyon noong pinakahuling update ng laro kaya hindi ka na mangangambang baka magkaroon ng biglaang problema sa kalagitnaan ng iyong paglalaro. Maging ang kadalasang hinaing ng mga manlalaro sa advertisements ay hindi rin isyu dito dahil sa larong ito, kapag offline mong nilaro, ay opsyunal lamang kung papanoorin mo ang mga ad. Kung online naman, hindi rin gaano karami ang mga pop-ad na lumalabas. Hindi ito kagaya ng ibang mga laro na pipilitin kang manood ng ads upang mabuksan ang panibagong game level.

Sa kabilang banda, mayroon ding ilang kahinaan ang laro na hindi pwedeng palampasin. Kagaya na lamang ng sobrang laking halaga ng coins na kinakailangan upang mabili ang ilang special ability sa laro pagdating ng mga high-game level. May katagalan din ang loading sa laro bago ito tuluyang mabuksan.

Konklusyon

Kung sawa ka na sa mga pangkaraniwang laro sa solitaire, marahil ito na ang pagkakataon mong masubukan ang pinaka-astig at pinaka modernong tripeak game na paniguradong ngayon mo lamang mararanasang laruin. Hinahamon ka ng Laro Reviews na ipamalas ang iyong galing pagdating sa paglalaro ng cards. Huwag lamang kalimutan na lahat ng sobra ay nakakasama rin kaya maglaro ng may limitasyon sa oras at ugaliin pa rin ang mag-ehersisyo lagi bago magbabad sa inyong mga device.