Sonic Runners Adventure – Isa sa mga maituturing na classic video game ang Sonic the Hedgehog. Ang unang bahagi ng series nito ay nilikha noong 1991 ng Sega, isang multinasyonal na kumpanya sa Japan. Sa katunayan, kakumpitensya ng larong ito ang isa ring sikat na video game, ang Super Mario. Naglabas pa ang Sega ng maraming kasunod na Sonic games, pati na rin ang iba’t ibang spin-offs nito. Kabilang na rito ang larong tatalakayin ng artikulong ito mula sa Laro Reviews.
Ang Sonic Runners Adventure ay sequel sa Sonic Runners, ang pinakaunang Sonic game na nilikha para sa mobile devices noong 2015. Bagama’t hindi naging matagumpay ang naunang laro, sinundan pa rin ito ng Gameloft sa pag-release ng Sonic Runners Adventure noong 2017, na nakatanggap naman ng positibong reaksyon. Ito ay isang endless runner platform game tulad ng pinanggalingan nito.
Mayroong iba’t ibang karakter na maaaring pagpilian ng manlalaro para malampasan ang levels sa bawat chapter. Binubuo ito ng apat na chapter: ang Green Hill, Desert Ruins, Lava Mountain, at ang Sky Sanctuary. Nahahati ang bawat chapter sa siyam na obligatory levels, dalawang optional levels, at boss fight. Maaaring ma-unlock ang obligatory levels kapag nakumpleto ito ng manlalaro, samantalang ang optional levels naman ay nangangailangan ng partikular na bilang ng stars. Samantala, upang ma-unlock ang susunod na chapter ay dapat matalo muna ang boss sa dulong bahagi ng kasalukuyang chapter.
Features ng Sonic Runners Adventure
Multiple Levels – May iba-ibang klase ng levels ang maaaring laruin. Bukod sa tatlong levels na Finite, Looped, at Infinite, mayroon pang karagdagang Timed Mode at Bonus Level. Makikita ang katangian ng bawat isa sa mga sumusunod:
- Finite – Kailangang makarating ang manlalaro sa finish line para makumpleto ang level.
- Looped – Dapat makumpleto ng manlalaro ang ilang laps bago maabot ang finish line. Sa level na ito, hindi na muling lalabas ang rings sa bawat lap at sa halip ay mapapalitan ito ng sparkles.
- Infinite – Patuloy ang pagtakbo ng karakter hanggang sa makumpleto ang lahat ng misyon. Matatapos lang ito kapag nagawa na ang lahat ng ito o kung natalo ang manlalaro.
- Timed Mode – Kapag umabot ng zero ang timer, kusang matatapos ang laro. Pero pwede kang gumamit ng Time Freeze booster item para tumigil ang timer countdown ng ilang saglit.
- Bonus Level – Maaaring mangolekta ang manlalaro ng kahit ilang rings na walang kinakaharap na mga kalaban o obstacles.
Offline Mode – Pinahihintulutan nito ang manlalaro na laruin ang Sonic Runners Adventure kahit hindi konektado sa internet o mobile data pagkatapos ng unang session. Kaya naman maaari ka pa rin maglaro saan ka man naroroon, maging sa mga lugar na walang signal.
Unlock New Playable Characters – Bagama’t isa lang ang karakter na pwedeng laruin sa simula ng laro, si Sonic the Hedgehog, maaaring i-unlock ng manlalaro ang iba pang mga karakter. Makukuha ang mga ito habang patuloy na nilalaro ang bawat level dahil ang bawat karakter ay nangangailangan ng partikular na level na dapat mong malampasan. Subalit may iba ring karakter na maaari mong bilhin gamit ang rings, na iyong makikita sa Team screen.
Multiple Languages Available – Maaaring pumili ng wikang gagamitin habang naglalaro. Kabilang sa mga pagpipilian ang sumusunod: English, Arabic, Brazilian, Chinese (Simplified at Traditional), French, German, Italian, Korean, Polish, Russian, Spanish, Turkish, at Vietnamese.
Saan pwedeng i-download ang Sonic Runners Adventure?
Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users, at ilagay sa search bar ang Sonic Runners Adventure. Dahil isa itong premium game, kinakailangan muna itong bayaran sa halagang $2.99. Pagkatapos ay hintayin itong ma-download at kumpletuhin ang sign-in details para makapaglaro.
Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:
- Download Sonic Runners Adventure on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gameloft.android.ANMP.GloftICHM&hl=en_GB&gl=PH
- Download Sonic Runners Adventure on iOS https://apps.apple.com/us/app/sonic-runners-adventure/id1306844643
- Download Sonic Runners Adventure on PC https://www.bluestacks.com/apps/adventure/sonic-runners-adventure-on-pc.html
Kung sa PC mo napiling maglaro ng Sonic Runners Adventure, dapat munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang website. Sa Bluestacks ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos ma-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Sa oras na simulan ang paglalaro, mayroong tutorial na makakatulong sa iyo na maging pamilyar sa basic rules ng laro. Maaaring itong ulitin sa pamamagitan ng pagpili ng Tutorial button na matatagpuan sa Help tab ng Options menu. Dahil isa itong endless runner game, kailangan mong i-tap ang screen para tumalon at iwasan ang obstacles at mga kalaban habang patuloy lang na tumatakbo ang karakter. Kailangan mo ring kunin ang rings na nakakalat sa bawat level. Kumolekta ng mas maraming rings para ma-activate ang skills ng iyong karakter. Pwede ka ring bumili ng booster item gamit ang rings.
Paano makakuha ng maraming rings?
Sa pamamagitan ng achievements, maaari kang makatanggap ng maraming rings. Ito ay special rewards na iyong makukuha kapag nagawa ang hinihingi sa iba’t ibang categories. Kapag nagawa ng isang beses ang partikular na achievement, maaari itong makuha ulit ngunit madadagdagan ang kailangan na bilang sa category na iyon. Halimbawa, sa category na Buddy Collector, kailangang mangolekta ng dalawang buddies. Kapag natapos mo itong gawin, ang susunod na dami ng kailangang makolekta para makuha muli ang achievement na ito ay limang buddies. Isa pang paraan para dumami ang rings na makukuha ay ang paggamit ng Magnet na booster item. Sa pamamagitan nito, maaakit ng karakter ang lahat ng madadaanang rings kapag ito ay na-activate.
Paano palakasin ang iyong karakter?
Gumamit ng buddy para ma-equip ang iyong karakter habang naglalaro. Mayroong iba’t ibang buddy na may natatanging abilidad na pwede mong bilhin. Halimbawa, ang buddy na Chip ay nagreresulta sa 100% na tsansang magpatuloy ang karakter matapos matalo ng isang beses. Samantalang ang buddies na Knuckles Omochao, Sonic Omochao, at Tails Omochao naman ay nagbibigay ng karagdagang limang segundo sa epekto ng booster item. Matatagpuan ang abilidad ng bawat buddy sa deskripsyon na makikita kapag pinindot ang icon nito. Dagdag pa rito, pwede kang bumili ng booster items na makakapagpalakas ng iyong karakter sa laro. Tulad na lamang ng invulnerability na kung saan pinoprotektahan nito ang karakter mula sa damage ng ilang segundo.
Related Posts:
Neighbours From Hell 1 Premium Review
Cooking Kawaii – Cooking Game Madness Fever Review
Pros at Cons ng Sonic Runners Adventure
Awtomatikong masi-save ang iyong progress sa laro kaya naman maaaring isara ang app at balikan ito kapag nais mo nang ituloy ang paglalaro. Hindi rin balakid ang wika sa paglaro ng Sonics Runners Adventure sapagkat maraming lenggwahe ang maaaring pagpilian. Ang kailangan lang gawin ay pumunta sa Main Menu at i-click ang Settings button sa kanang bahagi, sa itaas ng Team o Achievements screen. Pagkatapos nito, i-click ang Language tab at pumili ng wikang nais gamitin sa laro.
Walang co-op mode na opsyon ang laro kaya hindi maaaring mag-imbita ng kaibigan sa paglalaro. Dahil binubuo ang laro ng 48 levels, marami ang nabitin matapos makumpleto ang bawat level. Wala ring sync game progress na opsyon sa laro kaya hindi posibleng ma-synchronize ang iyong progress sa ginamit na device papunta sa iba pang device. At saka, bagaman may offline mode ang laro, kinakailangan pa rin ng internet connection sa unang bahagi ng iyong paglalaro. May pagkakataon ding bumabagal ang laro habang tumatagal gamit ang Android devices.
Bagama’t maraming karakter ang pwedeng i-unlock, nagmistulang pare-pareho ang dating nilang lahat para sa maraming manlalaro, partikular na sa paraan ng kanilang paglaro. Ang kaibahan lang nila sa isa’t isa ay ang itsura at abilidad. Ngunit bukod dito, hindi gaanong naramdaman ang pagkakaiba ng mga ito. Dagdag pa rito, bilang isang sequel, maraming tao ang nagkukumpara sa dalawang laro. Hindi kagaya ng naunang laro, wala itong sariling soundtrack.
Konklusyon
Maituturing na isang classic na laro ang Sonic games kaya magandang balikan ang iyong pagkabata habang nilalaro ito, lalo na’t pwede na itong laruin gamit ang mobile devices. Dagdag pa rito, sa paglalaro ng Sonic Runners Adventure, ang orihinal na Sonic game ay tila binigyan ng panibagong anyo at ginawan ng bersyon bilang isang endless runner game. Pagkatapos basahin ang artikulong ito ng Laro Reviews, tukuyin kung pasok sa iyong kagustuhan ang larong ito at i-download na ang Sonic Runners Adventure!
Laro Reviews