Age of Conquest IV Review

Ang Age of Conquest IV ay isang uri ng turn-based grand strategy wargame. Ibig sabihin, magpapalitan ng atake ang bawat magkakalaban. Sa larong ito pangungunahan mo ang iyong mga sundalo pabalik sa sinaunang sibilisasyon sa mga bansa ng France, Japan, Russia, Inca, Chinese Dynasties, at Roman Empire

Sa larong ito, layunin mong palawakin ang iyong nasasakupan, diplomasya sa mga alyansang bansa at pamahalaan ang iyong pinansyal na pangangailangan at maging ang panatilihing masaya ang lahat ng miyembro na saklaw ng iyong nasasakupan. Gayundin, kailangan mong bumuo ng matibay na alyansa para mas madali mong malupig ang mga kalaban at mas mahirap para sa kanila na sakupin ang iyong teritoryo lalo na kapag ang kaalyansaang napili mo ay kabilang sa malakas na uri.

Bago pa man sumabak sa mga labanan, kailangan mo munang pumili mula sa limang objectives ng laro kung ano ang iyong nais na mapagtagumpayan. Ayon sa napili mong layunin, mayroong dalawang mabisang paraan upang makamit ito. Una, kailangan mo lamang na maabot ang 100 points at ikalawa ay salakayin ang ibang hukbo mula sa ibang mapa na makikita sa iyong home screen.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at trick na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Kapag sa tingin mo ay hindi ka pa handang magdeklara ng giyera sa isang territory na gusto mong sakupin, maaari ka munang magpadala ng isang mensahe na nagsasaad na gusto mong makipagkaibigan sa kanila. Ngunit sa oras na may sapat ka ng kakayahan na sakupin ito, huwag mo nang palampasin pa ang pagkakataon na lusubin at agawin ang bagay na iyong ninanais bago pa bumaliktad ang mundo at ikaw ang masakop ng mga kalaban.

Mahalaga rin na matukoy mo kung sino sa iyong kaalyansa ang hindi tumutulong sa oras ng pangangailangan. Sila yung mayroong napakaraming resources at may maraming in-game currency, ngunit kailanman ay hindi ka nagawang tulungan. Dapat mo rin silang paghinalaan kapag bumubuo sila ng depensa sa border ng iyong nasasakupan. Ang mga mabubuting kaalyansa naman ay ‘yung laging nagbibigay sa iyo ng in-game currency, tumutulong sa iyo sa digmaan, o nagbebenta ng isa, o mahigit pang mga probinsya niya para lamang tulungan kang maka-survive sa laro.

Isa pa sa mga dapat tandaan ay kailangan mong mapanatiling masaya ang iyong nasasakupan, dahil kahit gaano ka pa kagaling sa pakikipagdigma, wala ka pa rin tsansang manalo sa laro kapag napakababa na ng iyong level of happiness. Napakahalaga rin na kalkulado mo ang paggastos ng iyong Action Points. Hindi mo ito dapat gamitin sa mga walang kwentang bagay. Sa halip, itabi ang mga ito upang gamitin sa depensa ng iyong nasasakupan sa mga probinsya.

Sa pagpapatuloy, sikapin mong magkaroon ng Naval Supremacy sa border ng iyong mga nasasakupan upang nang sa ganun ay mahihirapan, o hindi magtagumpay, ang iyong mga kalaban sa kanilang pagtatangka na lusubin ka. Subalit tandaan din na bawat navy ship na nasisira ng kalaban ay nakakabawas sa level ng iyong happiness, kaya mas mainam na hindi sobra-sobra ang dami ng iyong Navy.

Malaki rin ang papel na ginagampanan ng iyong level of happiness dahil kapag bumaba ito sa 50%, hindi ka maaaring makapagbayad ng tax ng iyong nasasakupan at malaki ang posibilidad na ikaw ang magiging target ng mga kalaban para lusubin. Iwasan din ang pag-atake sa mga probinsya lalo pa kung maliit lamang ito, ngunit mayroong malakas na puwera. Pero huwag din magpakita ng awa sa mga manlalaro na mayroong malawak na nasasakupan, pero hindi handa sa pagsalakay, o hindi kaya ay umaatake na sa ibang lugar.

Taliwas din sa mga klasikong turn-based strategy game, ang larong ito ay hindi lamang nagtatampok ng single player game dahil mayroon din itong Multiplayer kung saan na may kasamang ranking at rating system.

Saan maaaring i-download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at I-download naman ang laro sa AppsPlayground para malaro ito sa PC. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Age of Conquest IV on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ageofconquest.app.user.aoc&gl=US

Download Age of Conquest IV on iOS https://apps.apple.com/us/app/age-of-conquest-iv/id1071514528

Download Age of Conquest IV on PC https://appsplayground.com/age-of-conquest-iv-pc/

Features ng Laro

    • Single and Multiplayer Game Mode – Ang parehong mode na ito ay tiyak na maghahatid sa iyo ng hindi lamang challenging task kung hindi maging ang kakaibang karanasan sa paglalaro ng isang strategy game.
  • Messaging – Ang feature na ito ng laro ay nagsisilbing tulay upang magkaroon ka ng komunikasyon sa ibang manlalaro. Sa platform na ito rin ginagawa ang diplomatic arrangement at mensahe ng pakikipagkaibigan sa ibang hukbo.
  • Economy – Ang lahat ng in-game currency na iyong makukuha sa larong ito ay nakadepende sa dami ng populasyon na iyong nasasakupan.
  • Happiness – Isa sa pinakamahalagang bagay sa laro na hindi mo pwedeng balewalain dahil halos lahat ng bagay ay nakasalalay dito.
  • Diplomacy – Kagaya sa totoong buhay, mayroon ding tinatawag na diplomasya sa larong ito kung saan maaari kang tumawag ng ceasefire, Peace Treaty, Alliance at iba pa.

Pros at Cons ng Laro

Hindi na nakakapagtaka na ang Age of Conquest IV ay nakapagtala ng mahigit sampung milyong downloads sa Play Store. Sino ba naman kasing manlalaro ng isang turn-based strategy game ang hindi matutuwa kung ang kanyang larong nilalaro ay isang “kumpletos rekados” at maaari pang malaro bilang single player at multiplayer. Bukod pa rito, hindi rin mahirap gawin ang mga objective dahil bukod sa madaling gawin ang mga ito, ang laro ay mayroon ding itinatampok na tutorial sa umpisa.

Sa karagdagan, hindi rin madamot ang larong ito sapagkat napakarami mong paraan dito upang makakuha ng resources partikular na ng in-game currency. Gayundin, ang larong ito ay hindi lamang isang simpleng turn-based strategy wargame sapagkat bukod sa mga laban, lubos ding natutuwa ang Laro Reviews na namumukod tangi ang graphics ng larong ito kung ikukumpara sa ibang laro. Litaw na litaw talaga ang tema ng laro ng Medieval Period kaya aakalain mong nagbalik ka sa sinaunang panahon. Gayundin, hindi rin problema sa larong ito ang ads dahil kahit online o offline ka pa maglaro, walang nakakairitang ads na lalabas sa iyong screen.

Sa kabilang banda, kung mayroon mang hinaing ang Laro Reviews tungkol sa Age Conquest IV, wala ng iba kung hindi ang paminsan-minsang pagkakaroon ng glitch sa laro at ang pagiging repetitive ng mga task kalaunan. Gayundin, medyo may kahirapang gamitin ang control ng laro, lalo pa at hindi ito smooth gamitin.

Konklusyon

Kung isa sa mga batayan mo sa pagpili ng isang turn-based strategy wargame ay ang magandang gameplay, de-kalidad na graphics at unique game features, walang duda na ang Age of Conquest IV na ang larong matagal mo nang hinihintay.