DRAGON BALL LEGENDS Review

DRAGON BALL LEGENDS – Naging parte ba ang Dragon Ball ng iyong pagkabata? Sinamahan mo rin ba si Son Goku na ikutin ang buong mundo para hanapin ang pitong orbs ng Dragon Balls? Hindi mapagkakaila ang labis na kasikatan ng palabas. Maituturing itong isa sa pinakamatagumpay na manga at anime series sa kasaysayan. Kaya hindi nakakagulat na ginawan ito ng larong hango rito, katulad na lamang ng itatalakay sa artikulong ito ng Laro Reviews.

Isa sa Dragon Ball video game series ang DRAGON BALL LEGENDS. Ito ay free-to-play fighting at role-playing game (RPG) na umiikot sa pangongolekta ng karakter at real-time combat. Sa oras na laruin ang single-player story mode, makikita ang panibagong Dragon Ball na karakter na si Shallot. Tulad ng maraming mobile games, mayroon din itong gacha system. Dito, maaaring makakuha ng bagong hero at villain cards na may iba’t ibang karakter at rarities. Bukod dito, maaari ding i-upgrade ang mga card na mayroon ka gamit ang sistemang ito.

Sa usaping gameplay, pinasimpleng bersyon ito ng mga naunang laro tulad ng Dragon Ball Z: Budokai Tenkaichi at Dragon Ball FighterZ. Kagaya ng mga nabanggit na laro, malaya ang karakter na makagalaw sa 3D na dimensyon at umiwas sa atake ng kalaban. Bukod pa rito, mayroong makikitang projectiles, cannon shots, at meteoric attacks. Tinatayang hanggang anim ang bilang ng heroes na maaaring isabak sa labanan. Sa pamamagitan nito, makakakuha ang manlalaro ng EXP at currency. Habang tumataas ang level, nakakatanggap din ang manlalaro ng cards na pwedeng i-upgrade na kung saan ay nagrerepresenta ng skills at equipment na nagpapalakas sa heroes. Kasama rin sa matatanggap ay ang currency na ginagamit para makapag-summon ng bagong heroes.

Features ng DRAGON BALL LEGENDS

Character Collection – I-summon ang iyong paboritong mga karakter mula sa sikat na Dragon Ball anime series.

Live PvP Battles – Makipaglaban ng 1-on-1 real-time battles sa ibang manlalaro saan man sa mundo at pataasin ang ranggo sa leaderboard. Makilahok sa live player versus player (PVP) battles!

Original Anime RPG Storyline – Maglaro bilang isang bagong karakter na idinisenyo ng nag-iisang awtor ng Dragon Ball na si Akira Toriyama. Makakasalamuha rin dito ang mga sikat na karakter tulad ni Goku, Krillin, at iba pa.

Chat System – Makipag-usap sa ibang manlalaro at maging sa iyong kaibigan via chat sa player versus player (PvP) battle lobby.

Invite Friends – Magpadala ng imbitasyon sa Friend Battle Lobby. Labanan ang mga kaibigan sa Friend Battle.

Hyperdimensional Co-Op – Makipagsanib-pwersa sa ibang manlalaro na magsisilbing buddy para talunin ang boss.

Saan pwedeng i-download ang DRAGON BALL LEGENDS?

Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang DRAGON BALL LEGENDS. Dahil libre ang larong ito, diretso nang maida-download ang app. Susunod ay kumpletuhin ang sign-in details para makapaglaro. Patuloy ring basahin ang tips, tricks, pros, at cons ng laro sa artikulong itong mula sa Laro Reviews bilang karagdagang kaalaman tungkol sa laro.

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download DRAGON BALL LEGENDS on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.bandainamcoent.dblegends_ww

Download DRAGON BALL LEGENDS on iOS https://apps.apple.com/us/app/dragon-ball-legends/id1358222641

Tips at Tricks sa Paglalaro

Bago simulan ang kabanata sa laro, siguraduhing makumpleto muna ang challenges para makakuha ng libreng gantimpala tulad ng crystal, Zeni, souls, at iba pang magagamit sa iyong pag-usad sa laro. Narito ang iba’t ibang tips at tricks na makakatulong sa iyo sa paglalaro:

Paano palakasin ang karakter sa labanan?

Mayroong apat na klase ng elemento: Support, Defense, Melee, at Ranged. Alamin ang estilo sa labanan ng iyong karakter. Maaaring maging kapaki-pakinabang ito sa pagpili ng karakter sapagkat magiging basehan ito sa pagtukoy kung sino ang may potensyal na maging malakas, kumpara sa elementong mayroon ang kalaban. Halimbawa, ang pulang elemento ay mas malakas sa dilaw na elemento, at ang bughaw na elemento naman ay mas malakas sa pulang elemento. Dagdag pa rito, mas magiging malakas ang karakter habang tumataas ang level sa laro.

Paano pataasin ang level ng karakter?

Importanteng makakuha ng character EXP para tumaas ang antas ng karakter. Tandaan na ang makakakuha lang nito ay iyong mga karakter na kabilang sa party. Ang bawat party ay pwedeng maglagay ng hanggang anim na karakter. Kaya huwag kalilimutang isama ang mga karakter na nangangailangang mapataas ang kanilang level. Dagdag pa rito, kailangang ulitin ang mga kabanata para makakuha ng EXP o kaya ipadala sa pagsasanay ang mga karakter. Ngunit para makapagsanay sila, kinakailangan muna ng training material. Kaya mainam na ipadala ang mga low-level na karakter sa adventure para makakuha ng training materials at Zeni.

Paano pataasin ang stats ng karakter?

Sa paggamit ng souls, napapataas nito ang stats ng karakter. May iba’t ibang klase ng souls tulad ng pula, bughaw, dilaw, super souls, at marami pang iba. Upang makakuha ng souls, kailangang laruin ang story mode at ulitin ang mga kabanata. Ang isa pang paraan ay maglaro ng player versus player (PvP) mode at kumita ng medals. Pwedeng makakuha ng souls sa pamilihan kapalit ang nakuhang medals. Dagdag pa rito, maaari ding pataasin ang partikular na stats ng karakter sa pag-soul boost. May limang boost na pagpipilian na kung saan ang bawat isa ay may katumbas na stats. Katulad ng Health, para sa health/HP ng karakter, ang Strike Attack at Blast Attack na parehong para sa deal damage kapag ginamit ang kaparehong card sa labanan, Strike Defense para sa defense kapag tinamaan ng kalaban gamit ang strike card, at Blast Defense na para rin sa defense kapag ginamitan ng blast defense card ng kalaban.

Pros at Cons ng DRAGON BALL LEGENDS

Nakakahumaling ang graphics ng laro. Ang backstory ng Dragon Ball Legends ay ipinakita sa pamamagitan ng istilong 2D comics, samantalang ang combat naman ay nasa 3D na kapaligiran. Kahit na sobrang bilis ng labanan, madali lang matutunan ang pagkontrol, maging kung anong abilidad ang pwedeng magamit at kung kailan dapat itong gamitin. Maraming rewards ang natatanggap oras na makumpleto ang lahat ng combat challenges sa bawat story mission. Kaya makokonsiderang hindi madamot ang reward system ng laro. Ngunit kung ang pagkuha ng iilang rare heroes ang pag-uusapan, talagang mahal ang magagastos dito kung hindi idadaan sa paglalaro para makaipon ng pambili nito.

Related Posts:

War Robots Multiplayer Battles Review

Blue Archive Review

Napakaraming features ng laro upang mapukaw lalo ang atensyon ng mga manlalaro. Sa pamamagitan ng weekly events, nagbibigay ito ng chance na lumawak ang iyong hero collection. May opsyon ding ipadala ang mga karakter sa pagsasanay o adventures para makatanggap ng items. Sa pagsasanay, mas maraming items ang makukuha sa tuwing mas mataas ang resultang natanggap. Kabilang dito ang Success, Great Success, at Huge Success. Ang kagandahan dito, kahit nasa pagsasanay o adventure ang karakter, maaari pa rin silang magamit sa labanan. Bukod dito, mayroon ding guild system ang laro kung saan pwedeng makipag-collaborate sa ibang manlalarong kabilang sa iyong guild.

Limitado nga lang ang dami ng oras na pwedeng laruin dahil ang single-player story mode ay nagbibigay lamang ng sampung free energy points na gagamitin sa isang araw. Kung tatantsahin, mahigit-kumulang kalahating oras lamang ang dapat gugugulin para maubos itong lahat. Kaya kung nais mo pang maglaro nang mas matagal, kailangan gumastos ng totoong pera upang madagdagan ang energy points. Nagkakaroon din ng pagkakataong may error ang app kaya kailangan itong i-refresh ulit.

Konklusyon

Maganda ang kalidad ng DRAGON BALL LEGENDS bilang isang RPG. Kahit na hindi mahilig sa Dragon Ball na manga o anime series, mae-enjoy pa rin itong laruin. Dahil ang kagandahan dito ay maraming pwedeng gawing konektado sa Dragon Ball, baguhan man o beterano. Maituturing din itong pinakanakakaadik na Dragon Ball na laro dahil maraming pwedeng gawin ang manlalaro kahit maubos ang energy. Mairerekomenda rin ito sa mga bata sapagkat tiyak na kaaaliwan nila ang laro. Sana ay natulungan ka ng artikulong itong mula sa Laro Reviews para mapalawig ang kaalaman sa laro. Ano pang hinihintay mo? I-download at i-try nang laruin ito!

Laro Reviews