Hilig mo ba ang mga larong tower defense (TD)? Kung saan ang layunin nito ay depensahan ang teritoryo mula sa mga paparating at umaatakeng kalaban. Ganitong-ganito ang larong tatalakayin sa article na ito! Ang Idle Defense: Dark Forest ay nilikha ng Lemon Jam Games. Isa itong TD war game. Basahin ang article na ito mula sa Laro Reviews upang malaman pa ang ibang detalye tungkol sa laro.
Umiikot ang storyline ng laro matapos aksidenteng masunog ng Intern Mage ang Magic School. Bilang parusa, siya ay napatalsik at pinauwi. Wala siyang nadatnan pagkadating niya sa bahay bukod sa lihim mula sa kanyang tatay. Nalaman niya kung paano nasira ng kanyang tatay ang seal stone na naging dahilan upang magsilabasan ang maraming halimaw. Kaya ang tagubilin niya sa kanyang anak ay hanapin ang tower building manual sapagkat ito ang tutulong sa kanya upang makapagtayo ng towers. Ito ang magiging paraan para talunin ang lahat ng halimaw, at dito na magsisimula ang iyong journey.
Features ng Idle Defense: Dark Forest
Various Turrets – Mayroong 10 towers na may sari-sariling functions ang maaaring gamitin ng manlalaro. Kabilang dito ang Arrow, Magic, Stone, Poison, at marami pang iba. Hindi rin limitado ang kanilang gamit dahil pwede itong i-upgrade at i-evolve para tumaas ang level, nang sa gayon ay lumakas din ang power na mayroon ang mga ito.
Research System – Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga manlalarong palakasin lalo ang power ng kanilang tower. Binubuo ito ng mahigit sampung researches. Halimbawa, isa sa mga ito ay ang “All physical power enhance” na ang ibig sabihin ay nai-improve ang physics damage ng turrets at demons. Emeralds ang gamit para sa pag-upgrade ng mga ito.
Gameplay ng Idle Defense: Dark Forest
Sa oras na simulan ang paglalaro, ang unang mapupuntahan ng manlalaro ay ang spiral maze kung saan nasa gitna ang fragmented core. Ang layunin mo ay mapigilan ang mga halimaw, na nagmula sa kaliwang-itaas na bahagi ng screen, bago pa nila marating ang fragmented core. Napakadelikado kapag nakaabot sila sa pinakagitna dahil tiyak na mapapahamak ang daigdig.
Para maprotektahan ang fragmented core na nakapwesto sa gitna, kailangan mong gamitin ang towers dahil ito ang aatake sa mga sumasalakay na kalaban. Mayroong kabuuang 18 plots sa maze kung saan pwede kang magtayo ng towers, ngunit kailangan muna itong ma-unlock gamit ang gold.
Saan Pwedeng I-download ang Idle Defense: Dark Forest?
Dito ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Idle Defense: Dark Forest. Kasalukuyang available ang laro sa Android devices. Kaya hindi pa ito pwedeng mai-download gamit ang iOS at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Ayan, pwede mo nang simulan ang paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Idle Defense: Dark Forest on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.lemonjamgames.idledefense
Tips at Tricks sa Paglalaro
Habang dumadami ang plots na na-unlock mo, pamahal din ng pamahal ang presyo nito. Samakatuwid, tumataas ang presyo ng plot sa tuwing may isa kang nai-unlock. Kaya naman importanteng pag-isipang mabuti kung saan mo ilalagay ang tower kada bibili ka ng isa. Mainam kung magkakaroon ka ng plano kung aling mga pwesto ang prayoridad mong unahin sa pagtatayo ng tower.
Makakatulong din sa iyong depensa ang Lightning skill. Sa paggamit nito, matutulungan mo ang towers para umatake sa mga sumasakalay na kalaban. Sa tuwing naa-activate ito, tatamaan ng kidlat ang halimaw na nangunguna sa pila. Bagaman maliit lang ang damage nito sa kanila, maaari mong ma-utilize ito nang maayos para mas maging epektibo ang magiging damage nito. Ito ay nakabatay sa iyong tapping speed kaya mainam na sanayin ang sarili sa mabilisan at paulit-ulit na pag-tap ng Lightning skill. Dagdag pa rito, pwede mo itong i-upgrade para mas tumaas ang damage sa bawat pag-tap mo ng skill na ito. Gayunpaman, medyo malaki nga lang ang halaga ng gold na kailangan para dito.
Physical at magical damage ang dalawang klase ng damage ang towers. Maipapayo kong panatilihing pantay ang dami ng dalawang ito sapagkat mas makakatulong ito sa iyong depensa. Ito ay dahil may mga halimaw na resistant sa isa sa damage types. Gayundin, makakasagupa mo ang klase ng halimaw na may blue shields na nakapalibot sa nilalang. Sa mga ganitong klaseng kalaban, hindi ganoong gumagana ang atake mula sa towers na may physical damage. Pero kung ikukumpara sa may magical damage, mas madaling tumagos sa kanilang shields ang magiging atake nito.
Pros at Cons ng Idle Defense: Dark Forest
Maikokonsiderang maganda ang laro sapagkat simple lang ang mechanics nito ngunit hindi pa rin mawawala ang pagiging challenging nito. Kaya naman kahit anumang edad ay babagay pa rin sa larong ito. Mararamdaman mo ang intensity sa paglalaro lalo na kapag parami na ng parami ang kalaban. Bukod pa rito, nahahasa rin ang pagiging strategic ng mga manlalaro dahil bahagi ng tagumpay sa paglalaro ang pagbuo ng epektibong estratehiya kung ano ang towers na itatayo, kung saan ito ipupwesto, at kung kailan ito ia-upgrade.
Malaki ang potensyal ng laro dahil maganda ang gameplay nito at maayos din naman ang graphics. Ang problema nga lang dito ay mayroong bugs ang laro kaya nakakaranas ng madalas na glitching at lagging ang mga manlalaro sa kalagitnaan ng laro. Halimbawa, kapag umabot ka na ng Chapter 15 sa laro, malala na ang pagla-lag nito, lalo na’t andaming nangyayari nang sabay-sabay. Dagdag pa rito, may mga pagkakataon din kung saan ayaw magbukas ng app o kaya ay bigla itong nagka-crash. Dahil sa mga isyu ng laro, natatabunan ang potensyal nitong maging isa sa magagandang TD games. Kaya mairerekomenda ko sa game developers na ayusin at solusyunan agad ang mga problema nito.
Konklusyon
Handa ka na bang ipaglaban ang kapayapaan ng mundo? Sa Idle Defense: Dark Forest, mararanasan mong depensahan ang fragmented core mula sa mga halimaw. Kasama rito ang pagtayo ng towers at pag-upgrade ng mga ito. Masaya itong laruin at akma pa sa anumang edad. Gayunpaman, asahan ang mararaming isyu sa paglalaro tulad ng lagging, glitching, at crashing. Kung susubukan mo ito, malamang ay hindi ka rin tumagal sa laro kapag naranasan mo na ang mga nabanggit na problema sa laro.