Kung pamilyar ka sa Grand Theft Auto o GTA, malamang ay narinig mo na rin ang larong ito. Ang Bully: Anniversary Edition ay isang open-world action adventure na gawa ng Rockstar Games na isang pinagpipitaganang kumpanya na nagbigay-buhay sa GTA, Red Dead, L.A. Noire, at marami pang iba. Unang itong sa PS2 noong 2006, ngunit sa taong 2008 lamang ito nalaro sa PC, Nintendo Wii, at Xbox 360. Upang ipagdiwang ang ika-sampung anibersaryo ng laro, inilabas ang Bully: Anniversary Edition sa mga smartphone noong 2016.
Ang setting ng Bully: Anniversary Edition ay batay sa istorya ni Jimmy Hopkins nang siya ay ilipat sa Bullworth Academy ng kanyang ina at stepfather. Ang Bullworth Academy ay isang kilalang lugar kung saan namumukadkad ang mga itinuturing na pasaway at wala ng pag-asa sa lipunan. Dahil dito, mas namulat si Jimmy Hopkins sa kultura ng bullying. Bagamat minsan ay nakikisali siya sa paggawa ng gulo, may mga pagkakataon din na siya ang tagapagtanggol ng mga naaapi.
Naging maingay at kontrobersyal ang paglabas ng Bully: Anniversary Edition sa mga tao noon. Kung pagbabasehan ang pangalan nito, aakalaing ang layunin ng laro ay mam-bully ng kapwa estudyante. Subalit salungat ito sa sinasabi ng mga manlalarong nakatapos na nito. Ayon sa kanila, ang obhektibo ng laro ay pag-isahin ang iba’t ibang grupo ng estudyante sa Bullworth Academy sa pamamagitan ng pagtapos ng mga task. Mula rito, habang tumataas ang iyong reputasyon sa eskwelahan, ikaw ay irerespeto at magugustuhan ng mga kapwa-estudyante. Ikaw na ang tatanghaling pinakanamamahala sa oras na matalo mo ang iyong mga karibal at mga opisyales na nagbubulag-bulagan sa mga karahasang nagaganap sa Bullworth Academy.
Features ng Bully: Anniversary Edition
Combat System – Simple lamang ang pakikipaglaban sa Bully: Anniversary Edition. Madalas, kamay ang gamit o pakikipagsuntukan. Bagamat malaki ang pagkakatulad nito sa GTA, mayroon itong mga karagdagang galaw. Ito ay ang grab, throw, at push na nagbibigay kapakinabangan sa kalakhan ng laro. Madaragdagan ang iyong teknik sa pakikipaglaban kapag natapos mo ang mga side mission.
Physical Controller Support – Bukod sa touch gameplay para sa mobile devices, maaari itong laruin gamit ang iyong napiling MFi controller.
Friend Challenges Competitive Mode – Makipaglaro sa iyong mga kaibigan sa mini games gamit ang feature na ito. Saklaw nito ang mga klase hanggang sa mas detalyadong kaganapan sa eskwelahan at ilang mga arcade game.
Rockstar Social Club – Bukod sa feature na multiplayer support, mayroon din itong crossplay support. Samakatuwid, kung PS4 o Xbox ang gamit ng iyong mga kaibigan, maaari mo pa rin silang makalaro. Nagbibigay din ito ng daan para sa mga achievement, cloud save, at cross save. Hindi kagaya ng sa PC at console na mayroong anim na slot, sa mobile devices ay mayroong apat na save slot at dalawang cloud save.
Offline Mode – Maaari itong laruin nang walang internet o mobile data. Ngunit sa kabilang banda, hindi puwedeng ma-access ang social club features.
Paano i-download ang Bully: Anniversary Edition?
Gamitin ang sumusunod na links para sa pagda-download ng laro:
- Download Bully: Anniversary Edition on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/bully-anniversary-edition-on-pc.html
- Download Bully: Anniversary Edition on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.rockstargames.bully&hl=en_US&gl=US
- Download Bully: Anniversary Edition on iOS https://apps.apple.com/us/app/bully-anniversary-edition/id1148321705
Kung sa PC mo napiling maglaro ng Bully: Anniversary Edition, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang website. Sa Bluestacks ay ginanagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos ma-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Bago matapos ang lahat ng kabanata, mainam na matapos muna ang lahat ng iyong klase. Makukuha ang lahat ng ito pagtungtong mo ng ikalawang kabanata. Upang makita ito, pumunta lamang sa Info at pindutin ang Report Card. Ang Chemistry, English, Art, Gym, Biology, at Music ay magbubukas sa Kabanata 1. Samantalang ang Shop, Geo, Photography, at Math ay lalabas sa Kabanata 2. Mabubuksan lamang ang iyong Photography class matapos ang isang mission patungkol sa iyong guro sa English. Ang iyong guro sa Art class naman ang magbibigay sa iyo ng kamera na iyong magagamit sa pangunguha ng litrato para sa Photography class.
Maaaring kaligtaan ang nasabing mga klase, ngunit sa pagkakataong ikaw ay mahuli ng prefect, pababalikin ka rin nito. Bawat klase ay mayroong mga mini-game bilang pagsasanay. Kapag ikaw ay bumagsak, makakatanggap ka ng red cross sa iyong scorecard. Sa kabilang banda, makukuha ang espesyal na features kapag ikaw ay nakatanggap ng pasadong marka. Halimbawa na lamang sa iyong English na asignatura, maa-unlock nito ang iyong abilidad na maging matalas sa pananalita upang iyong magamit sa pagtakas sa mga kinakailangang pagkakataon.
Related Posts:
Bully: Anniversary Edition Review
Castlevania: SotN Review
Paano mapanatili ang Trouble Meter
Kung ikaw ay nakapaglaro na ng GTA, malamang ay pamilyar sa iyo ang konsepto ng prefect at Trouble Meter. Sa umpisa, unti-untiin muna ang mga gulong iyong ginagawa. Mainam na maliitan at hindi kapansin-pansin upang hindi ito agarang tumaas. Maglagay ng pagitan at iplano ang bawat gulong gagawin upang bumaba ito nang tuluyan. Hangga’t maaari ay iwasan at huwag gumawa ng anumang gulo sa harap ng mga prefect at iba pang mga nakatatanda. Makikita ang pulang marka sa iyong radar upang madaling makilala ang mga ito.
Maraming lugar upang ikaw ay makapagtago kapag ikaw ay hinahabol ng prefect. Nariyan ang mga basurahan kung saan maaaring kang sumilip upang tiyaking nailigaw mo ito bago pa lumabas sa iyong pinagtataguan at tuluyang makatakas. Kapag ikaw naman ay tumatakbo, maaari mong pindutin ang Jump key at tumalon ng tumalon upang hindi mahuli at makumpiska ang iyong mga sandata. Tumungo agad sa boys’ dormitory at i-save ang laro.
Pros at Cons ng Bully: Anniversary Edition
Kumpara sa nauna nitong bersyon na Scholarship Edition, ang Anniversary Edition ay mayroong mas pina-sharp at mas makulay na graphics. Depende na lamang sa iyo kung ano ang iyong mas kinikilingang istilo, ngunit para sa akin mas gusto ko ang kasalukuyang bersyon nito. Hindi lamang ito, maaari mong baguhin ang lenggwaheng ginagamit sa laro: English, French, Dutch, Italian, Japanese, at Russian.
Bilang ito ay orihinal na isang console game, masasabing swabe at malinis ang touch gameplay ng Bully: Anniversary Edition. Kung ikaw naman ay kaliwete, pwedeng palitan ang controller upang mas maging akma sa iyong gameplay. Maaari ding ibahin ang lokasyon ng mga button batay sa iyong kagustuhan.
Sa kabilang banda, mas kasiya-siya ang Bully: Anniversary Edition kung ito ay lalaruin sa isang upuan. Base sa cut scenes, plot lines, side missions, at chapters, maiintindihan ito nang lubusan kung tuluy-tuloy ang paglalaro. Kung maliit ang screen ng iyong smartphone o malaki ang iyong kamay, maaaring mahirapan sa pagpindot ng controls. Bukod pa rito, bagamat malinis ang touch gameplay ng laro, mainam pa rin na gumamit ng MFi controller upang hindi madaling mangalay habang naglalaro.
Konklusyon
Kung pag-uusapan ang mechanics ng laro, dalawa lamang iyan: magugustuhan mo o hindi. Kung ikaw ay tagahanga na ng GTA o anumang Rockstar Games, nakatitiyak akong mahuhumaling ka sa Bully: Anniversary Edition. Mas naging malawak din ang access ng laro nang ilabas ito sa Play Store at App Store. Kaya kung sa tingin mo ay kaya mong tulungan si Jimmy Hopkins at maging punong-tagapamahala ng Bullworth Academy, i-download na ang Bully: Anniversary Edition!
Laro Reviews