Ang Aquarium Farm – Water Journey ay ginawa ng game developer na foranj.games. Dito ay mararanasan mong magtayo ng iba’t ibang mga imprastraktura tulad ng factories at farms. Bukod pa rito, may pagkakataon ka ring maglagay ng decorations upang pagandahin pang lalo ang lugar. Siyempre, hindi mawawala sa siyudad ang mga maninirahan sa loob nito kaya kasama sa pwede mong bilhin ay ang iba’t ibang klase ng underwater animals. Kasama rito ang turtle, octopus, shrimp, walrus, at oyster.
Sa umpisa ay mapapanood mo ang maikling animation kung saan ang karakter ay nag-i-scuba diving. Patuloy siyang sumisisid pababa para lalong ma-explore ang abyss sa pamamagitan ng Siyensya. Dito magsisimula ang iyong journey sa Aquarium Farm – Water Journey. Alamin pa ang tungkol dito sa article na ginawa ng Laro Reviews.
Features ng Aquarium Farm – Water Journey
Build Your Underwater City – Ikaw ang magsisimula ng sibilisasyon sa ilalim ng dagat! Sa pagtayo ng underwater city, kasama rito ang paglagay ng iba’t ibang buildings, pagtatanim, pag-ani ng sea plants, pag-aalaga ng animals, at marami pang iba. Bukod pa rito, may pagkakataon kang palawakin pa lalo ang iyong siyudad.
Interesting Storyline – Alamin ang istorya ng laro na pumupukaw sa interes ng mga manlalaro. May magandang sirena ang babati sa iyo at hihingi ng iyong tulong para solusyunan ang kanyang problema. Siya ay nag-aalala sapagkat napupuno ng toxic waste ang kanyang lugar. Diskubrehin kung sa papaanong paraan mo siya matutulungan!
Decorate the Farm – Kumpara sa pangkaraniwang farming games, mayroon kang pagkakataong pagandahin lalo ang iyong farm. Gumamit ng iba’t ibang klase ng decorations para ma-improve ang iyong landscape, kabilang sa pagpipilian mo ang gazebo, statue hippocampus, pirate treasure, antique statue, dinosaur skeleton, at marami pang iba. Bukod pa rito, nakasalalay rin sa iyo kung ano ang magiging ayos ng farm. Kaya isa ring paraan upang pagandahin ito ay makikita sa kaayusan ng buildings na iyong itatayo.
Saan Pwedeng I-download ang Aquarium Farm – Water Journey?
Dito ituturo ng Laro Reviews kung paano i-download ang Aquarium Farm – Water Journey. Kasalukuyang available ang laro sa Android, iOS at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store o App Store at ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ay pwede mo nang simulan ang paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Aquarium Farm – Water Journey on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.foranj.aquariumfarm
Download Aquarium Farm – Water Journey on iOS https://apps.apple.com/us/app/aquarium-farm-mermaid-story/id1502228620
Download Aquarium Farm – Water Journey on PC https://www.gameloop.com/ph/game/casual/com.foranj.aquariumfarm
Tips at Tricks sa Paglalaro
Importante ang pag-harvest sa laro kaya para magawa ito, kailangan mong i-click ang underwater plant para lumabas ang bucket na button. Pagkatapos, gamitin ang bucket para isa-isang i-harvest ang garden bed. I-tap ang bucket at i-hold ito habang dina-drag ito mula sa unang underwater plant na pinindot mo papunta sa ibang underwater plants. Gayundin, ang bucket ang gagamitin mo para kolektahin ang products mula sa animals. Halimbawa, para kolektahin ang mga itlog ng turtles, kailangan mong i-tap ang yard at pindutin ang bucket tsaka i-drag papunta sa bawat turtle.
Pagdating naman sa sowing, kailangan mong i-click ang garden bed at saka lalabas ang Seawheat button. I-tap ang button at i-drag ito sa unang garden bed na pinindot mo papunta sa iba. Pagkatapos nito, ang susunod na gagawin mo ay taniman ito ng seeds. Dahil kung hindi, masisira lamang ninyo ang ecosystem. Bukod pa rito, maaari ka ring magdagdag ng garden beds para mas marami kang pwedeng pagtaniman.
Para naman makapag-purchase ng items, pindutin lamang ang button sa kaliwang ibabang bahagi ng screen. I-tap ang item na iyong pinili at i-drag ito papunta sa lugar kung saan mo ito ilalagay. Mahalaga ang pagkain kahit sa animals kaya para pakainin sila, ang gagawin mo ay i-drag ang food box papunta sa bawat isa sa kanila.
Ang tungkulin ng manlalaro ay gawin ang tasks para sa pagtayo ng underwater city. Kasama rito ang pagpapakain ng animals kada araw, pagtatanim at pag-ani ng sea plants, at marami pang iba. Kakaharap ka rin sa iba’t ibang pagsubok na kailangan mong lagpasan. Kapag nalason ang dagat, ang makakapagligtas sa inyo sa ganitong sitwasyon ay sa pamamagitan ng ancient magic at modern technologies.
Dahil parte sa iyong gawain ay bumili ng farms at factories para itayo sa farm, kailangan mong i-maximize ang paggamit sa espasyo nito. Kung nais mong baguhin ang pagkakaayos ng mga ito, ang kailangan mo lang gawin ay i-hold ang ililipat na building at hintaying mapuno ang lalabas na arrow. Pagkatapos nito, pwede mo na itong ilipat kung saan mayroong available space sa farm.
Pros at Cons ng Aquarium Farm – Water Journey
Hindi maipagkakailang cute ang konsepto ng laro pati na rin ang graphics nito. Mayroon ding pagkakataon ang mga manlalaro na maging creative sa pag-decorate ng kanilang farm. Kaya naman naiiba ito sa tipikal na farming games. Ramdam mo talaga rito ang pagtayo ng sariling siyudad sapagkat dadaan ka sa sari-saring trabaho upang maging matagumpay ang progress mo. Bukod pa rito, nakakadagdag ng ganda ang storyline ng laro dahil nakakapukaw ito ng interes ng mga manlalaro.
Gayunpaman, masusubok ang iyong pasensya sa paghihintay sapagkat matagal ang inaabot sa pagha-harvest, pag-a-upgrade, at pagsasagawa ng orders kung wala kang sapat na bilang ng coins para makabili ng factories para rito. Mahirap pa namang makapag-ipon ng coins. Dito pa lang ay kitang-kita na ang pinagkaiba ng advantage na nakukuha ng mga manlalarong nagbabayad ng aktwal na pera para sa laro. Kung bibili ka naman ng in-app purchases nito, masyadong mahal ang presyo at masasabing hindi katumbas ng halaga ang iyong makukuha. Dagdag pa rito, limitado lamang ang storage capacity sa laro. Masyado itong maliit kaya kapag napuno na ang storage, nawawalan na ng kakayahang mangolekta pa ng ibang items. Dahil dito, malaki ang tendency na mahirapan na ang manlalarong ipagpatuloy ang paglalaro.
Konklusyon
Kung mahilig ka sa paglalaro ng farming games, kakaibang panrekado ang handog ng Aquarium Farm – Water Journey. Ang mararanasan mo rito ay gaganapin sa ilalim ng dagat kaya ang makakasama mo rin dito ay underwater animals at mermaids. Nakaka-enjoy at cute ang kabuuang gameplay nito kung ganitong klase ng laro ang pasok sa iyong kagustuhan. Gayunpaman, asahan ang kapansin-pansing hirap sa laro kung hindi ka gagastos ng aktwal na pera. Ngunit hindi rin masyadong mairerekomenda ang pagbili ng in-app purchases ng laro dahil napakamahal ang presyo ng mga ito. Nasa sa iyo na lamang kung handa at gusto mong gumastos ng malaking halaga para sa progress ng iyong farm.