Bahagi na ng buhay nating mga tao ang makaranas ng pagkatalo sa buhay. Ngunit hindi ito nangangahulugan na wala na tayong pagkakataon pa upang muling sumubok hanggang sa tuluyan na nating makamit ang panalo. Kagaya sa larong Champions Manager Mobasaka: 2021 New Football Game na nilikha ng Hoolai Game Ltd Sports, papatunayan mo rito bilang isang nabigong soccer manager na kaya mong bumangon muli mula sa mga pagkatalo at maging isa sa pinakamagaling na sport manager sa buong mundo.
Ang larong Champions Manager Mobasaka: 2021 New Football Game ay isang football management game kung saan mayroon itong mahigit 2000 FIFPro licensed players kabilang na ang mga superstar na sina Cristiano Ronaldo, Lionel Messi, Sergio Aguero at Mesut Ozil. Sa karagdagan, nagsisimula ang laro sa isang tutorial game sa pagitan ng Portugal National Team na pinamamahalaan mo at ng Spanish National Team. Sa unang half quarter ng laro makakapagtala ng 3-0 na puntos ang Spanish National Team. Ngunit sa susunod na quarter, magagawa naman ng iyong koponan na mapababa sa isa ang kalamangan ng kalaban, pero sa huli, ang Spanish National Team pa rin ang tatanghaling panalo dahil hindi nagawang makapuntos ni Cristiano Ronaldo mula sa iginawad sa kanyang penalty kick. Pagkatapos nito, magsisimula ka nang isakatuparan ang iyong mga plano upang maging isa sa pinakamagaling na soccer manager sa kasaysayan.
Tips at Tricks sa Paglalaro
Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at trick na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro.
Bago isabak sa mga laban ang iyong mga manlalaro, suriin muna ang lineup nila sa pamamagitan ng pagpindot sa Line Up button na makikita sa iyong screen. Makikita rin dito ang general strength ng iyong team at statistics ng bawat manlalaro at maging ang listahan ng iba pang players na maaari mong gamitin sa mga laro maliban sa default line up. Palitan ang mga manlalaro na may mababang statistics.
Mahalaga na ma-upgrade ang skills at statistics ng iyong mga manlalaro sa pamamagitan ng pagpapainom sa kanila ng EXP drink. Ngunit tandaan na huwag painumin ng upgrade na ito ang mga manlalaro na kabilang sa silver rarity players, o bronze. Sa halip, piliin lamang ang mga player na may kakayahang mag-level up hanggang 20 pataas.
Kapag naman sinubukan mong makapuntos ng goal, kailangan mong i-tap ang orange button na makikita sa itaas ng soccer net ng kalaban sapagkat pinapataas nito ang porsyento mo na maipasok ang bola sa loob ng net. Ngunit iwasan na i-swipe ang bola diretso sa nakaabang na goalie.
Kagaya rin ng ibang mga laro, ang Champions Manager Mobasaka: 2021 New Football Game ay nagtatampok din ng maraming task na pwedeng magbigay sa’yo ng limpak-limpak na mga reward katulad ng gems, Extra EXP at common in-game currency. Ang mga task sa larong ito ay nahahati sa dalawang uri. Una, ang tinatawag na Daily tasks kung saan kailangan mong kumpletuhin ang mga task dito sa loob lamang ng isang araw, at ang pangalawa naman ay tinatawag na Novice Task na magagawa mo sa mga unang stage ng laro, partikular na sa Career Mode.
Maliban sa mga nabanggit na task sa itaas. Isa pa sa pangunahing layunin mo sa laro ay ang masiguradong ma-level up ang standing ng iyong koponan at makumpleto ang mga sasalihang match ng mayroong three stars. Gayundin, mahalaga na magawa mong ma-promote ang ilan sa iyong mga manlalaro upang makapag-unlock ng iba pang skills.
Sa karagdagan, kung ayaw mo naman na magsayang ng oras sa paghihintay na matapos ang isang laro, maaari mong i-skip ang daloy ng laban lalo na kapag natambakan ka na ng puntos ng kalaban sa unang half quarter dahil paniguradong wala ka ng pagkakataon pang manalo rito. Maaari mo ring gamitin ang skip kapag nakapagtala ka na ng 5-0 score sa unang half quarter dahil tiyak na ikaw na ang mananalo sa laban.
Ang larong ito ay walang PvE seasons kagaya ng ibang football managing game, ngunit mayroon naman itong Career Mode na kung tawagin sa mga larong RPG ay Campaign Mode. Maliban pa rito, kailangan mo ring magdesisyon kung anong move na may pinakamataas na percentage success rate ang gagamitin sa mode na ito. Sa lahat ng pagkakataon, piliin ang move na may pinakamataas na percentage.
Higit sa lahat, kung nangangailangan ka ng malaking halaga ng in-game currency upang makabili ng mga kinakailangang upgrade, maaari mong i-replay ang mga laban na mayroon ka lamang two stars, o mas mababa pa upang subukan na makakuha ng three stars at makatanggap ng mga reward.
Features ng laro
- Authorized European Leagues and Players by FIFPro – Ang larong ito ay nagtatampok ng ilan sa mga tanyag na European League at mahigit sa 2000 na mga professional soccer player.
- Stadium – Kung matagal mo ng pangarap na magkaroon ng sarili mong stadium, maaari mo na itong maisakatuparan sa larong ito.
- Heroic Moments – Malaya kang gawin ang kahit anong tactics na gusto mong gawin upang magkaroon ng highlight games ang ilan sa iyong mga hawak na star player.
- Game’s Percentage – Gagabayan ka rin ng larong ito sa pamamagitan ng pagtulong sa iyo sa pagpili ng moves na gagamitin sa pagpapasa ng bola at pag-iskor ng goal.
Saan Maaaring I-download ang Laro?
Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at kailangan naman na i-download ang MumuPlayer emulator sa PC para malaro ito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:
Download Champions Manager Mobasaka: 2021 New Football Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.hoolai.ChampionsManager.gpen
Download Champions Manager Mobasaka: 2021 New Football Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/champions-manager-mobasaka/id1462567454
Download Champions Manager Mobasaka: 2021 New Football Game on PC https://www.mumuglobal.com/en/games/sports/cmm-champions-manager-mobasaka-on-pc.html
Pros at Cons ng Laro
Ang larong ito ay kombinason ng classic soccer at managing game kaya naman masasabi ng Laro Reviews na isa ito sa mga kalamangan ng Champions Manager Mobasaka: 2021 New Football Game sa iba pang soccer managing game. Maliban pa rito, marami ring paraan upang maipanalo ang mga match sapagkat napakaraming rewards ang pwedeng matanggap at magamit. Maging ang gameplay ng laro ay hindi nakakasawa dahil bawat match sa larong ito ay may pagkakaiba sa isa’t isa.
Kung pag-uusapan naman ang kalidad ng graphics ng laro, nakakatiyak ang Laro Reviews na magugustuhan mo ang mga bagay na makikita sa iyong screen lalo na ang mga cutscenes ng soccer play at visual effects na ginamit. Hindi rin isang malaking isyu ang pagkakaroon ng ads, dahil kahit online, walang masyadong pop-ads na lumalabas. Sa halip mayroon lamang itong optional ads.
Sa kabilang banda, hindi rin pwedeng palampasin ang ilan sa mga negatibong katangian ng larong ito. Una, napaka-random ng matching ng mga koponan lalo na sa Chapter 10 pataas kaya kapag minalas kang makaharap ang malalakas na koponan, tiyak na wala ka ng ibang magagawa kung hindi i-skip ang laban at tanggapin ang iyong pagkatalo.
Sa karagdagan, madalas rin ang pagkakaroon ng network error sa laro kahit stable at malakas naman ang iyong internet connection. Lagi ring nakakaranas ng lagging kapag binuksan mo ang player letter mula sa manlalaro ng ibang koponan. Sadyang nakakairita ito lalo na kapag nawiwili ka na sa laro.
Konklusyon
Kung mahilig ka sa larong soccer, o hindi kaya managing game, tiyak na magugustuhan mo ang gameplay ng Champions Manager Mobasaka: 2021 New Football Game. Maliban sa ilang technical problems na mararanasan sa laro, wala ng dahilan pa upang hindi mo magustuhang makita ang mga idolo mo sa mundo ng soccer. Hanapin lamang ang larong ito sa gaming stores at i-download sa iyong device.