AWP Mode: Online Sniper Action Review

Bago pa man nauso ang iba’t ibang uri ng laro sa ngayon, una ng kinagiliwan ng mga batang 90s ang mga larong sniper games na magpahanggang sa ngayon pa rin naman ay patuloy na tinatangkilik ng mga bagong tubong kabataan gayundin ng mga taong ika nga ay “young at heart”. Isa nga ngayon sa kinagigiliwan sa online gaming ang larong AWP Mode: Online Sniper Action na nilikha ng Azur Interactive Games Limited, at may mahigit na 10, 000,000 downloads na. Ang larong ito ay isang survival game kung saan gamit ang pag-aari mong armas at sa tulong ng mga kakampi sa laro ay kinakailangang malupig ang kabilang panig upang makakuha ng mga panalo. Ngunit, hindi katulad ng ibang sniper games, ang larong ito ay mas higit na susubok sa abilidad ng isang manlalaro na maging matagumpay gamit lamang ang armas na kung ihahalintulad nga sa totoong buhay ay masasabing hindi gaanong magandang uri. Masasabi ng Laro Reviews na angking tapang at magandang estratehiya sa laro lamang ang puhunan upang maisahan ang mga kalaban. Sa katagalan ng paglalaro mabibigyan din naman ang mga manlalaro ng pagkakataon na makapag-upgrade ng armas sa tulong ng mga coins at golds na makokolekta sa bawat panalo.

Features ng AWP Mode: Online Sniper Action

Mga Bagong Karakter– Zombie at Skeleton, ang mga karagdagang karakter sa larong ito ay talaga namang masasabing isa sa hinahanap-hanap sa mga larong katulad nito. Nagbibigay ito ng dagdag na timpla sa laro.

Bagong Weapon Badge: Pumpkin Bat – Siguradong ikakasaya mo rin ang idinagdag na aesthetic sa laro sa bago nitong updates. Tunay na kakaiba at walang katulad and badge na ito kaya paniguradong sa oras na makamtam mo ito ay magagalak kang talaga.

Decorated Main Menu- Ang salitang lumbay ay wala sa bokabularyo ng laro, mula sa pinagsamang galing at pagsisikap ay talagang nagbunga ito upang lalong bihisan ang ayos ng game menu.

Saan pwedeng i-download ang AWP Mode: Online Sniper Action?

Maaaring gamitin ang sumusunod na links upang mai-download ang laro:

Download AWP Mode: Online Sniper Action on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.alphainteractive.sniperawpshooter&hl=en_US&gl=US

Download AWP Mode: Online Sniper Action on iOS https://apps.apple.com/us/app/awp-mode-epic-3d-sniper-game/id1495055713

Download AWP Mode: Online Sniper Action using PC https://www.gameloop.com/ph/game/action/awp-mode-online-sniper-action-on-pc

Ang larong AWP Mode: Online Sniper Action ay maihahalintulad sa mga larong kagaya ng Sniper: Ghost Warrior, Sniper Elite: V2, at Alliance: The Silent War na nilalaro bilang isang team-game at sa online. Mayroon ding limang lugar kung saan pwedeng idaos ang labanan: Rooftop, Jungle Temple, Swimming pool area, Snowy Mountain, at Miniature bedroom. Nakakadagdag din ng gana sa laro ang mga kakaibang avatars mula sa isang random Asian girl na nakasuot ng unipormeng pang estudyante, maliksing lola at lolo, mga alien, Mexican Bandito, at marami pang iba. Hindi rin pwedeng kalimutan ang iba’t ibang uri ng mga barrels na talaga namang malakasan kung sumabog, gayundin ang mga sikretong lagusan at pinto na sadyang malaking tulong upang makakilos ng maliksi ang mga manlalaro at maayos na makapuwesto sa pag-asinta ng mga kalaban sa paligid.

Pros at Cons ng Laro

Masasabi ng Laro Reviews na isang magandang libangan at pampalipas-oras ang larong ito, lalo na para sa mga kabataan na napilitang maglagi sa bahay dahil sa patuloy na pananalanta ng COVID-19 pandemic. Maituturing din na walang katulad ang graphics ng laro dahil sa mala-3D nitong image display at sa mga natatanging uri ng Sniper Rifles – mula sa Mosin Nagant, hanggang CVD and M24, gayundin ang mga sniper rifle attachment tulad ng mga scopes at silencers hanggang sa iba’t ibang uri pa ng mga upgrade.

Isa pang kagandahan sa larong ito ay ang simple at madaling paggamit ng control sa paglalaro, swabe lang ang pagpindot at hindi kumplikado ang panel nito. Bukod sa kakayahang mag-upgrade ng mga armas, pwede mo ring i-upgrade ang gamit na avatar mula sa menu kung saan malaya kang makapipili ng gusto mong avatar na gagamitin, mas madali itong gawin kapag binili kaysa mag-ipon ng mga coin at gold. Ngunit, magagagawa lamang ang pag-upgrade sa parehong avatar at armas kapag umabot ka na ng Level 10 sa laro.

Higit sa lahat, sa larong ito, wala iyong mga nakakainis na mga pop-ad kaya naman walang istorbo sa paglalaro, lilitaw lamang ang mga ad kapag nag u-upgrade ang isang manlalaro. Mainam din na mayroong patnubay ng magulang para sa mga batang manlalaro dahil hindi maitatanging maraming patayan at karahasan na nakapaloob dito.

Sa kabilang banda, kung nais mo namang magkaroon ng mas magandang uri ng armas ay kinakailangan mong gumastos upang bumili gamit ang totoong pera, o pwede rin namang gamitin ang mga maiipong coin at gold, iyon nga lamang ay masyadong matagal bago ka makaipon ng sapat na pambili sa mga armas at iba pang skins sa laro. Kung mayroon ka namang kakayahan na bumili ay walang problema sa pag-upgrade.

Kung pag-uusapan naman ang mga downgrades sa laro, masasabing marami-rami rin itong kakulangan kagaya na lamang ng kawalan nito ng anti-hack system dahil maraming manlalaro ang nakakagamit ng mga health cheats na nagbibigay sa kanila ng kakayahang muling mabuhay nang mabilis kapag napatumba sa laro. Bukod sa mayroon lang limang war places ang laro, sa miniature bedroom setting, nagmimistulang mga maliliit na action figure characters ang mga manlalaro, at walang balakid dahil lahat ng sulok ay nakikita kaya kapag napunta ka sa battlefield na ito ay pawang takbo at lundag ang gagawin mo upang makaiwas sa mga bala ng kalaban.

Habang patagal ng patagal ang paglalaro, mas lalo ring nagiging malakas ang mga kalaban. Kadalasan din ay makakatapat mo ang mga Level 51 players kahit na nasa mas mababang game level ka pa lamang, kapag nagkataon ay tiyak din ang pagkatalo mo. Ngunit kung maswerte ka, minsan ay may pagkakataong maisasama ka rin sa mga malalakas na uri ng mga manlalaro. Marami sa mga uri ng armas ay aakalain mo talagang gamit ng mga totoong sundalo dahil sa ganda ng detalye ng mga ito, mayroon ding hinango mula sa Law Enforcement SWAT, at mula sa mga gamit ng militar.

Kapag naumpisahan mo na ang paglalaro, at nakatungtong ka na sa mataas na game levels sadyang nakaka-adik ang paglalaro kaya naman kung gusto mong siguraduhin ang tuloy-tuloy na panalo ay kailangan mo talagang gumastos ng totoong pera upang makabili ng mas higit na matibay na mga shield armors at mga armas na awtomatikong nag re-reload, at sa isang pihit ay tatapos sa ilang bilang ng mga kalaban. Kasabay nito, nagkakaroon ka rin ng kakayahang makakita kahit pa may mga pader at maging ang lumagpas sa mga ito na hindi kayang gawin ng mga ordinaryong manlalaro na hindi nag-a-upgrade. Subalit, nawawalan din ng saysay ang paglalaro kung lahat ng bagay ay pwede mong magawa kaya naman mas mainam pa rin ang maglaro nang may bahid ng takot at excitement.

Konklusyon

Sa kabuuan, isa ang larong ito sa pwedeng ibilang sa listahan ng mga magagandang laro. Kailangan lamang bigyan ng konsiderasyon ang mga sumusunod: Una, magkaroon sana ng support gmail ang larong ito na handang magbigay atensyon sa mga problemang nararanasan ng mga manlalaro gaya ng bugging at lagging, gayundin ang minsang problema sa pag-upgrade. Pangalawa, mas pagtibayin ang anti-hacking system para walang makapandaya sa laro. Sunod ay madagdagan sana ang pagpipiliang war places, at maging ang patas na paghahanay sa mga makakalaban dahil nakakawalang ganang ipagpatuloy ang paglalaro kung maitatapat ka sa mga high level na uri ng mga kalaban gayung nag-uumpisa ka pa lamang. Maliban sa mga ito, magkaroon din sana ng chat feature ang laro upang doon makapag-usap ang mga manlalaro at makapag plano ng maiigi para matalo ang mga kalaban.

Kung matagal mo nang pangarap ang subukang maging isang magiting na sniper, ito na ang pagkakataon mong patunayan ang iyong sarili, kaya naman hanapin na ito at laruin.