Grid Autosport Review

Ang Grid Autosport ay isang uri ng racing game. Ito ay ang ika-siyam na installment ng TOCA series. Inilabas ng kilalang UK-base developer na Codemasters ang larong ito. Ang Codemasters ay ang nangungunang kumpanya ngayon sa larangan ng racing games. Sa loob ng sampung taon, nabihag ng kanilang mga laro ang puso ng mga manlalaro sa buong mundo lalo na ang mahihilig sa karera ng mga sasakyan. Habang lumilipas ang mga taon, patuloy pang dumarami ang nag-aabang sa kanilang mga laro.

Ang mga manlalaro ay gaganap bilang isang race car driver. Papasukin nila ang mundo ng kompetisyon na mayroong single at multiplayer game mode. Unang inilabas ang Grid AutoSport taong 2014 para sa mga piling devices tulad ng Microsoft Windows, PlayStation 3, at Xbox 360. Naging available lang ito sa iOS noong 2017. At sa taong 2019 naman ay naging available na rin ito sa Nintendo Switch at Android devices. Nakatanggap ito ng papuri mula sa mga kritiko dahil nagawa nitong muling buhayin ang tatak ng Codemaster. Sa halip na ito ay baguhin, pinanatili pa rin ng developer ang mga nakilalang disenyo mula sa kumpanya. Bilang resulta, ang mga manlalaro ay nagkaroon ng pagbabalik-tanaw sa mga naunang laro, partikular na ang mga matatagal nang tagasubaybay. Hindi nabigo ang mga tagahanga ng Codemasters sa larong ito.

Sa kasalukuyan, maaari itong i-download sa Android at iOS devices, Microsoft Windows, Playstation 3, Xbox 360, at Nintendo Switch. Maaari mo ring laruin ito sa desktop o laptop. Hanapin lamang ito sa App Store, Play Store o mga lehitimong sites at simulan ang iyong pakikipagsapalaran sa mundo ng karera. Maaari ring i-click mo na lamang ang mga sumusunod na link:

  • Download Grid Autosport on PC https://www.bluestacks.com/apps/racing/grid-autosport-on-pc.html
  • Download Grid Autosport on iOS https://apps.apple.com/us/app/grid-autosport/id1179421849
  • Download Grid Autosport on Android https://play.google.com/store/apps/details?hl=fil&id=com.feralinteractive.gridas&fbclid=IwAR3F-Puzby2TcSRKKu9Ifk7DZK2EYBzq5Nex2KG3mWh7CKSpLGgeIKYFNVI

Gabay para sa mga Nagsisimula

HIndi mo na kakailanganin pang gumawa ng account sa Grid Autosport. Dapat lamang siguraduhing angkop ang iyong device na gagamitin para gumana nang maayos ang laro. Kung mobile devices ang gamit mo, kailangan mo ng iOS 14 at Android 9 Pie 3.0 pataas na operating system. Maglaan din ng 3.9 GB na free space sa iyong mobile device. Ang mobile app ng larong ito ay hindi libre sa parehong App Store at Play Store. Kakailanganin mong magbayad ng maliit na halaga upang ma-download ito.

Isa sa mahahalagang bagay na kailangang malaman bago magsimulang maglaro ay ang features at gameplay ng laro, kaya naman dito tayo magsisimula. Ang Career Mode para sa single-player game ay nahahati sa dalawang season. Ang mga manlalaro ay dapat pumili ng koponan na sasalihan. Ang mga manlalaro ay makakakuha ng EXP points sa pamamagitan ng pagkumpleto ng iba’t ibang mga season at sponsor objectives.

Magagawa ring sumali ng mga manlalaro sa multiplayer online mode sa pamamagitan ng Codemasters Community Hub RaceNet. Maaari rin silang magtayo ng sariling club, kumita ng EXP at cash tuwing may kompetisyon, at tuparin ang mga sponsor objectives. Maaaring gamitin ang EXP upang i-upgrade ang kanilang mga sasakyang pagmamay-ari o kaya naman ay bumili ng mga karagdagang sasakyan. Sa RaceNet feature naman ay binibigyan ng pagkakataon ang mga manlalaro na pumili ng mga partikular na hamon na gusto nilang salihan.

Ang limang pangunahing disiplina ng larong ito ay ang touring, endurance, open wheel, tuner, at street. Sa bawat disiplina ay may iba’t ibang mga kotse at uri ng karera. Ang mga manlalaro ay maaaring pumili ng isa sa mga ito sa pamamagitan ng career mode. Tandaan na ang anumang sira o pinsala ng mga sasakyan ay bumabawas sa kakayahan nito batay sa suspension damage system ng laro. Nagagawa na rin ng mga manlalarong makakakuha ng impormasyon tungkol sa pinsala ng kotse, mga kakulangan, lokasyon ng mga kakumpitensya, at posisyon ng mga teammate. Maaari rin nilang kontrolin ang mga inhinyero dito na umatake, ipagtanggol, o hawakan ang kanilang posisyon.

Ang flashback feature nito ay nagbibigay-daan sa mga manlalaro na balikan ang kanilang mga nakalipas na karera. Ang maipapayo ko lang ay kailangang iangkop ang level ng laro batay sa iyong mga kasanayan at karanasan. Habang tumataas ang iyong antas, makakalikom ka ng sapat na kasanayan upang manalo sa susunod na antas. Magsimula sa pinakamababang antas at patuloy na hasain ang iyong kakayahan upang maabot ang tuktok ng tagumpay. Bilang isang baguhan, dapat mong ihanda ang iyong sarili na salubungin ang mga hamon sa laro anumang oras. Huwag ding kaligtaan na pumili ng uri ng sasakyan na bagay sa iyo. Maaari mo ring ayusin ang setting ng mga sasakyan. Magsanay sa pagdi-drift sa pamamagitan ng paglalaro ng maraming beses hanggang sa makuha mo kung paano kontrolin ang iyong sasakyan nang tama. Panghuli, maging pamilyar kung paano malalampasan ang iba’t ibang hadlang sa track o daanan. Ang lahat ng nabanggit ay makakatulong sa iyong pagkatuto. Sa kalaunan, mahahasa mo rin ang iyong kakayahan.

Related Posts:

Stardew Valley Review

Cabal M: Heroes of Nevareth Review

Mga Lakas at Kahinaan ng larong Grid Autosport

Nakatanggap ang Grid Autosport ng 4.2 average star rating sa parehong App Store at Play Store. Nagpapahiwatig ito na karamihan sa mga manlalaro ay nawiwili sa larong ito. Ang isa sa mga dahilan nito ay ang magandang gameplay at ang pambihirang kalidad ng mga graphics at animation. Sa ganitong paraan, nabibigyan ang mga manlalaro ng mas makatotohanang karanasan. Ang mga kontrol nito ay sensitibo at tumutugon sa bawat paggalaw. Gamit ang pro arrow ay nagiging mas madali na rin ang pagdi-drift. Bagama’t ang laro ay may bayad, isang beses ka lang gagastos. Hindi mo na kailangan pang mag-aksaya ng karagdagang pera sa mga in-app purchases. Mas mura rin ito kumpara sa iba pang mga may bayad din na racing game.

Sa kabilang banda, ang larong ito ay may mga pagkukulang din. Mayroon itong mga bugs at glitches na kailangang ayusin. Ang sensitivity control ay may ilang mga problema rin. Anumang kaunting paggalaw ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa takbo ng sasakyan dahil nga napakasensitibo nito. Ang pagkakaroon nito ng samu’t saring mga isyu ay nagdudulot din ng pagkalito o kahirapan sa mga manlalaro. Medyo matagal din ang pag-load ng laro at paminsan-minsan ay nagka-crash ito. Ang AI grid naman nito ang nagiging dahilan ng pagbangga ng mga sasakyan palabas ng track. Ang mga kayang i-save na laro ay may limitadong bilang lamang. Kailangan munang tanggalin ang ilan sa mga naunang laro upang bigyang-puwang ang mga bago. Higit sa lahat, may kalakihan din ang kinakailangang memory space ng app.

Konklusyon

Samakatuwid, ang Grid Autosport ay dapat talagang masubukan ng mga tagahanga ng racing games. Bagama’t bagay naman ito sa lahat ng klase ng manlalaro, nakadepende sa pananaw ng bawat isa kung sulit ba ang kanilang ibabayad.

Ang developer nito ay aktibo sa pag-update upang siguraduhing gumagana ng maayos ang laro. Bukas din sila sa mga opinyon at komento ng mga manlalaro upang mapanatili ang kalidad nito.

Laro Reviews