Sonic Forces – Running Battle Review

Isa sa mga sikat na cartoon movie ang Sonic the Hedgehog, ngunit bago pa man ito maipalabas sa telebisyon, una na itong pumatok bilang isang Japanese video game series na ginawa ng Sega. Sa ngayon, ilang series na rin ng Sonic the Hedgehog ang maaaring malaro sa mga mobile device kagaya ng Android at iOS. Isa sa mga series ng nabanggit na laro ay ang Sonic Forces – Running Battle, isa rin itong racing game na nilalaro bilang isang multiplayer kung saan makakatunggali mo ang ibang manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ang gameplay ng larong ito ay umiikot sa running race game. Ibig sabihin, pabilisan ng takbo ang magiging labanan. Ngunit hindi lamang sa bilis nasusukat ang magiging tagumpay sa laro. Kailangan ding maging madiskarte kang umiwas sa mga balakid at trap sa laro kagaya ng mga robot machine, spike orbs, bomba, ice orbs at marami pang iba. Hindi lamang iyon, dahil kailangan mo ring iwasan ang mga atake ng kalabang magpapabagal sa iyong takbo.

Sikaping laging maunang makarating sa finish line upang makatanggap ng golden chest at makatanggap ng mas maraming Experience Points. Maliban pa rito, mayroon ka ring malaking tyansang makatanggap ng iba pang mga reward at trophy na magiging susi mo upang mabuksan ang iba pang running tracks.

Maliban kay Sonic, makikilala mo rin sa larong ito sina Amy, Knuckles, Shadow at marami pang ibang characters. Kapag maganda naman ang nagiging performance mo sa laro, mabibigyan ka rin ng pambihirang pagkakataong ma-unlock ang iba pang high-statistics characters kagaya nina Omega at Victor. Kailangan mo lamang gawin ang lahat ng iyong makakaya sa larong ito upang maging madali ang pag-upgrade sa iyong mga nakokolektang character.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Sa Sonic Forces – Running Battle, tandaan na ang lahat ng mga character ay may kakayahang mag-slide, tumalon nang mataas, at magpalipat-lipat ng linya habang tumatakbo kaya bago pa man sumabak sa karera, kailangang maging pamilyar ka na sa mechanics ng laro. Sa karagdagan, iba’t ibang uri rin ng mga katunggali ang iyong makakalaban, ang iba sa kanila ay mayroong mas mataas na statistics kaysa sa iyo at ang iba naman ay mayroong mas mababa kaysa sa iyo. Gayundin, nagkakaroon ng pagkakaiba pagdating sa lakas ng mga manlalaro kaya ang mga upgraded na mga character ay mas halos hindi na tinatablan ng mga attack ng kalaban, o mabilis na maka-recover pagkatapos na hindi makaiwas sa mga trap sa race.

Pagkatapos ng bawat laban, makakakuha ka ng mga chest kung kabilang ka sa unang tatlong manlalarong nakarating sa finish line. Makakatanggap ng golden chest ang first place, silver chest naman ang matatanggap ng second place, habang bronze chest naman ang makukuha ng third place. Subalit hindi agad-agad na nabubuksan ang laman ng mga chest dahil kailangan mo pang maghintay ng ilang oras bago mo tuluyang mabuksan at matanggap ang mga nilalaman ng mga ito.

Bukod sa mga in-game character na maaaring maging laman ng mga chest, maraming upgrades pa ang maaari mong makuha kagaya na lamang ng speed shoes na magbibigay sa’yo ng walang kasing bilis. Ngunit ang paggamit nito ay dapat mayroong ding kasamang ibayong pag-iingat upang hindi mabangga sa mga balakid sa race path o mabangga sa mga robot at mga pampasabog.

Huwag mo ring kalimutan ang pangongolekta ng mga ring habang tumatakbo dahil ang mga ito ang magpapabilis sa iyo. Gamitin din ang power-ups laban sa mga kalaban upang humina ang kanilang takbo at maunahan mo silang marating ang finish line. Higit sa lahat, kailangan mong gamitin sa laro ang iyong star runner upang doble ang makuhang reward sa bawat chest na matatanggap.

Features ng Laro

  • 3D Endless Running Game – Tampok sa larong ito ang walang katapusang takbuhan kasama ang iba pang manlalaro. Hindi mo rin maiiwasang mamangha sa ganda ng visual effects at graphics ng larong ito.
  • Tons of Obstacles – Hindi lamang puro takbo ang gagawin mo sa larong ito dahil kailangan mo ring magawang lampasan ang daan-daang mga balakid bago mo marating ang finish line.
  • Advertisement Video – Kung hindi ka naman makapaghintay na buksan kaagad ang nilalaman ng mga chest, pwede kang manood ng advertisement video upang doblehin ang reward na makukuha ng character card na lalabas sa mga chest.
  • Red Rings – Maituturing na premium currency sa laro, ngunit bihira lamang matatanggap. Nakukuha ito madalas sa mga chest na matagal bago ma-unlock.
  • Chest – Isa sa pinakamabisang paraan upang makatanggap ng mga libreng reward at upgrade kaya kailangang galingan sa paglalaro upang makakuha nito.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user, at i-download ang MeMu Player sa PC para malaro ito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Sonic Forces – Running Battle on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.sega.sprint

Download Sonic Forces – Running Battle on iOS https://apps.apple.com/us/app/sonic-forces-racing-battle/id1262362476

Download Sonic Forces – Running Battle on PC https://www.memuplay.com/gr/how-to-play-com.sega.sprint-on-pc.html

Pros at Cons ng Laro

Kung tatanungin ang Laro Reviews kung maganda ba ang gameplay ng larong ito, walang dudang oo ang magiging sagot. Tila ito ang advanced version ng sikat na larong Temple Run. Ang pagkakaiba lamang ay mas challenging ang mga hamon sa Sonic Forces – Running Battle, multiplayer din ang game mode nito at higit na mas marami ang upgrades at rewards na maaaring matanggap sa larong ito.

Sa karagdagan, dahil 3D ang laro, hindi na nakakabigla na malamang maganda at de-kalidad ang graphics na makikita sa larong ito. Bukod sa katotohanang punung-puno ito ng kulay, makakalaro mo pa ang ibang mga manlalaro mula sa ibang panig ng mundo kaya mas nagiging exciting ang laban.

Sa kabilang banda, isa sa mga negatibong katangian ng laro na sadyang nakakairita ay ang pagkakaroon nito ng sandamakmak na mga pop-ad. Kadalasan, kailangan mo pang maghintay ng 30 segundo bago matapos ang isang ad. Habang ang iba pang ads ay lumalabas naman bago at pagkatapos ng karera. Maliban pa rito, palagi ring nagka-crash ang laro kung saan kusa itong nag-e-exit. Madalas din ang pagkakaroon ng lag kaya kapag minalas kang mangyari ito sa kalagitnaan ng iyong paglalaro, paniguradong ikaw ang pinakahuling makakarating sa finish line.

Hindi rin pwedeng malaro ang Sonic Forces – Running Battle ng offline, kaya ang tanging paraan lamang upang malaro ito ay kapag mayroon kang internet access. Ngunit kahit malakas ang internet connection mo, madalas pa ring nagkakaroon ng napakatagal na loading ang laro.

Konklusyon

Ang Sonic Forces – Running Battle para sa Laro Reviews ay pwedeng maging isang libangan pagkatapos ng mahabang oras na pagtatrabaho o pag-aaral. Mainam din itong ipalaro sa mga bata dahil walang mga malalaswang larawan o tahasang karahasan ang itinatampok sa larong ito. Kung paborito mo ang Sonic the Hedgehog at hindi mo pa alam na may game series na ito, pwes ito na ang tamang panahon upang subukan mong laruin ang Sonic Forces – Running Battle!