Zombie Night Terror – A Plague Unleashed Review

Ang Zombie Night Terror – A plague unleashed ay isang strategic na zombie apocalypse na laro. Ang laro ay ginawa ng Plug In Digital at unang inilabas noong Hulyo 20, 2016. Ang layunin ng larong ito ay i-control ang zombie horde at hawaan ang lahat ng mga tao ng zombie virus. Ito ay hindi katulad ng iba pang mga zombie genre na laro kung saan kailangan mong makaligtas sa pag-atake ng mga zombie. Ang bagong twist na hatid nito ay gumawa ng magandang plot twist habang pinapanatili ang genre nito na zombie apocalypse. Ang zombie genre ay pinasikat sa pamamagitan ng mga aksyon at suspense na mga serye sa TV at mga pelikula tulad ng “The Walking Dead”, “Kingdom” at “Train to Busan”.

Ang pagsusuring ito ay mula sa Laro Reviews.

Paano i-download ang laro?

Ang larong ito ay maaaring i-download dito:

  • Download Zombie Night Terror – A Plague Unleashed on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.pid.znt
  • Download Zombie Night Terror – A Plague Unleashed on iOS https://apps.apple.com/us/app/zombie-night-terror/id1450635907

Mga Gabay para sa mga Baguhang Manlalaro

Gaya ng nabanggit kanina, ang layunin ng laro ay gawing zombie ang lahat ng mga sibilyan. Para magawa ito, bibigyan ka ng limitadong bilang ng mga syringe na may laman ng zombie virus at kailangan mong iturok ang mga ito sa mga tao para maging zombie. Matapos iturok ang virus sa kanila, maaari rin silang makahawa sa ibang tao sa pamamagitan lamang ng isang nakahahawang kagat. Sa pamamagitan nito, ang iyong zombie horde ay mabilis na lalago lalo na kung mayroon kang mahusay na estratehiya.

Siyempre, hindi papayag ang mga sibilyan sa nakagugulat na pangyayaring ito. Bubuo sila ng pinakamahusay na depensa upang hadlangan ang iyong mga plano. Bukod pa rito, ang ilan sa kanila ay armado rin. Kaya dapat ay mayroon kang mahusay na diskarte upang malampasan ang mga ito at mapabilis ang iyong plano na mahawaan ang lahat ng mga sibilyan. Dapat mong ituring ang bawat level ng laro bilang isang palaisipan.

Ang bawat level ay may mga panibagong obstacle na kailangang lampasan upang ang iyong zombie horde ay makahawa sa mas maraming tao. Siyempre, hinding-hindi ka bibiguin ng iyong mga zombie at gagawin ang kanilang makakaya upang sumulong. Gayunpaman, merong mga hadlang na nangangailangan ng mahusay na diskarte. Ang mga zombie ay gumagalaw sa isang simpleng paraan. Kung hindi nila malampasan ang isang balakid, babalik sila sa kabilang direksyon upang maghanap ng ibang paraan. Tulad sa mga pelikula, ang mga zombie ay tumatakbo na tila isang bulag at maaaring mahulog sa matataas na butas na magiging sanhi ng kanilang kamatayan.

Ang magandang bagay sa laro ay maaari mo ring kontrolin ang ilan sa mga galaw ng iyong zombie. Maaari mong markahan o ituro kung saan pupunta ang iyong mga zombie. Halimbawa, maaari mong markahan ang mga pinto o ituro ang isang arrow patungo sa hagdan. Mayroon ding feature na zombie mutation ang laro kung saan ang mga piling zombie ay magkakaroon ng ilang power ups upang sirain ang pinatindi na depensa ng mga tao. Maaari mong i-unlock ang mga mutated zombie na ito habang nagle-level up ka sa laro. Gagabayan ka kung paano gamitin ang mga mutated zombie na ito bago mo sila magamit sa mga aktwal na laban.

Zombie Night Terror – Tips at Tricks sa Paglalaro

Kahit simple mang pakinggan ang gameplay ng laro, mahirap manalo sa mga level ng puzzle sa larong ito. Upang gawing mas mahirap ang mga bagay, may limitasyon ang bilang ng mga syringe na makahahawa sa mga tao at limitado rin ang bilang ng mga sibilyan upang maging mga zombie. Kaya nakalista sa ibaba ang mga tips at tricks upang matulungan ka sa puzzle game na ito:

  • Isipin nang maigi ang sitwasyon.

Bago hawaan ang unang tao na iyong makikita. Tandaan na ang iyong mga syringe ay napakalimitado at ang iyong mahahawaan ay maaaring mamatay agad sa mga kamay ng mga kalaban. Kaya dapat mong suriin muna ang lahat ng mga silid at isipin kung sino sa mga tao ang una mong hahawaan. Muli, dapat kang mag-imbestiga nang mabuti dahil ang mga taong hahawaan mo ay malapit sa mga mapanganib na butas o malapit sa mga armadong pulis. Magiging walang saysay ang iyong trabaho kung hindi mo isasaalang-alang nang maayos ang mga bagay na ito.

  • Idirekta ang pupuntahan ng mga zombie.

May mga pagkakataon kung saan pwede mong idirekta ang iyong zombie horde. Dapat mong madiskarteng utusan sila sa kaligtasan bago idirekta ang mga ito sa pag-atake ng mga sibilyan. Ang bawat zombie na iyong maililigtas ay makatutulong sa pagpapabilis ng pagkalat ng virus. Gayundin, mas maraming zombie ang maaaring tumulong sa iyo na malampasan ang mahihirap na hadlang.

  • Maingat na paggamit ng mga mutated zombie.

Maaari mong samantalahin ang kapangyarihan ng mga bagong mutated zombie. Ang mga mutation ay nagmula sa mga DNA resource. Minsan, kailangan mong makuha ang mga DNA na ito mula sa iyong zombie horde sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng ilan sa kanila. Kaya dapat mong pag-isipan nang maayos ang mga bagay na ito bago mo gawing mutated ang mga zombie. Sa kabilang banda, ang mga mutated zombie na ito ay may mga espesyal na katangian na maaari mong gamitin laban sa iba’t ibang mga hadlang. Gayunpaman, dapat mong gamitin ang mga ito nang maingat at ilagay lamang sa mga kinakailangang lugar. Tandaan na ang mga mutation na ito ay limitado kaya dapat mong gamitin lamang sa tamang pagkakataon.

Zombie Night Terror – Pros at Cons ng Laro

Ang Zombie Night Terror – A plague unleashed ay isang mahusay na zombie genre puzzle game. Ang kakaibang gameplay nito kung saan gumaganap ka bilang kontrabida, ay para gawing nakakatakot na zombie ang mga tao ay isang bagong konsepto kung saan wala pang developer ang nagtangkang gumawa. Ang lahat ng mga level ng laro ay mayroong iba’t ibang layout kaya kailangan mo talagang ilabas ang iyong mga diskarte upang malampasan ang bawat level ng laro. Talagang mahusay ang ginawa ng mga developer sa variability at difficulty levels ng laro.

Related Posts:

Football Manager 2022 Mobile Review

Very Little Nightmares Review

Top class rin ang dating ng pangkalahatang visuals ng laro. Gumagamit ang laro ng 8-bit na pixelated graphics na artstyle at ang kapaligiran ay puno ng kulay grey at may napakalimitadong ilaw na lubos na nakadaragdag sa horror na tema nito. Maaari ka ring makakita ng ilang madugong visual effects. Ito ay talagang isang mahusay na likhang sining mula sa mga developer nito. Nakadaragdag rin ang musika nito sa horror genre ng laro. Makikita mo ang emosyon ng mga sibilyan habang inaatake sila ng iyong kawan ng mga zombie.

Dagdag pa rito, ang konsepto ng puzzle nito ay talagang isang mahusay na hamon para sa mga manlalaro nito. Siguradong mabibigo ka kung wala kang estratehiya na maayos. Ang isa pang cool na feature ng laro ay maaari mong i-pause ang laro upang pag-isipang muli ang iyong diskarte bago ka magkamali. Ang patuloy na pagtaas ng difficulty levels mula sa mga kalaban na pulis ay nagdaragdag din sa dynamics ng laro. Mananatili ka bang taga-atake o hahayaan mo silang sugpuin ang iyong kawan?

Ang larong ito ay hindi libre at kailangan mong magbayad ng $5.99 ngunit siguradong sulit ang bawat sentimo na iyong gagastusin. Ang nilalaman nito ay hindi masyadong nakakatakot at maaaring laruin ito ng mga bata na may tamang paggabay ng kanilang mga magulang. Kahit medyo mapanghamon ang laro, siguradong matutuwa ka sa paglalaro ng Zombie Night Terror – A plague unleashed!

Konklusyon

Ang Zombie Night Terror – A Plague Unleashed ay talagang isang mahusay na puzzle game na may temang zombie apocalypse. Ito ay lubos na inirerekomenda para sa mga mahilig sa mga ganitong tema ng laro. Kung nasiyahan ka sa panonood ng ganitong uri ng genre, dapat mo ring subukan ang larong ito dahil sulit ang iyong gastos! Inirerekomenda rin ito para sa mga manlalaro na mahilig sa mga puzzle games. Kaya ano pang hinihintay mo? I-download na ito ngayon! Para sa iba pang kapana-panabik na mga pagsusuri ng laro, bisitahin ang Laro Reviews.

Laro Reviews