Farmdale: Farming Games & Town with Villagers Review

Ang Farmdale: Farming Games & Town with Villagers isang nakakaadik na farming game na hatid ng kumpanyang Game Garden. Tampok nito ang pamamahala ng sariling farm, pakikipagpalitan ng goods, pag-aalaga ng mga cute na pets, pananaliksik sa mga misteryosong lugar, at pagkilala sa mga karakter na nagtataglay ng mahika! Nakatanggap ang larong ito ng 4.4 average star ratings sa Google Play, samantalang mas mataas naman nang bahagya ang average star ratings nito sa App Store na umabot ng 4.6. Tinatayang lagpas limang milyon din ang downloads nito mula sa dalawang gaming platforms. Mula rito, mahihinuhang isa ang Farmdale: Farming Games & Town with Villagers sa sikat na laro sa sarili nitong tema. Kaya narito ang Laro Reviews para alamin kung bakit nga ba tanyag ang larong ito at kung dapat mo rin bang i-download.

Gabay para sa mga Baguhang Manlalaro ng Farmdale: Farming Games & Town with Villagers

Taliwas sa nakagisnang mechanics ng farming games, sa Farmdale: Farming Games & Town with Villagers ay kinakailangan mong pasunurin ang karakter na tagapamahala ng farm bago tuluyang makumpleto ang task. Sa madaling salita, kailangang hintayin itong makarating sa destinasyon at matapos sa gawain saka lilipat sa susunod na lokasyon para masimulan kung anuman ang nais mong ipagawa. Halimbawa, matapos magtanim ng palay ay kailangan mo munang pindutin ang balon at hintayin siyang matapos sa pagtatanim at makapunta sa balon bago makapag-igib ng tubig. Nakakalito man ito sa umpisa ngunit magiging sisiw na lamang para sa iyo sa oras na may sequence ka na ng mga gawain. Mainam din kung magiging pamilyar ka kung anu-anong mga sangkap ang kakailanganin upang magawa ang iba’t ibang mga produkto. Gaya na lamang ng Cookie na matatagpuan sa iyong Stove, kailangan nito ng isang itlog at dalawang palay. Makukuha ang itlog mula sa manok. Ngunit bago makapangitlog ito, kailangan mo munang maghanda ng Chicken Feed para magkaroon ito ng lakas na gumawa ng itlog. Iba rin ang pasilidad kung saan nililikha ang feeds ng mga hayop.

Farmdale: Farming Games & Town with Villagers Review

Kailangan lamang sundan ang Main Quest na makikita sa kaliwang bahagi ng iyong screen upang matukoy kung anu-ano ang kailangan mong gawin para umusad sa laro. Taglay rin nito ang storyline kung saan makikilala mo ang iba’t ibang mga karakter na iyong tutulungan. Iba-iba ang saklaw ng mga gawain sa Main Quest. Ang iba ay nanghihingi na espesipikong bilang ng goods o kaya naman ay susi para makawala ang mga cute na hayop na kinalauna’y magiging parte ng iyong farm. Kumplikado man ang sequence ng laro ngunit ito ang nagbibigay hamon sa larong ito. Nababalanse naman ito ng madali nitong maintindihang mechanics.

Saan Pwedeng I-download ang Farmdale: Farming Games & Town with Villagers?

Dito ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Farmdale: Farming Games & Town with Villagers. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android, iOS at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang Farmdale: Farming Games & Town with Villagers para sa Android users, samantalang Farmdale – Magic Family Farm naman para sa iOS users. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Matapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Farmdale: Farming Games & Town with Villagers on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gamegarden.fd

Download Farmdale: Farming Games & Town with Villagers on iOS https://apps.apple.com/us/app/farmdale-magic-family-farm/id858467950

Download Farmdale: Farming Games & Town with Villagers on PC https://napkforpc.com/apk/com.gamegarden.fd/

Tips at Tricks sa Paglalaro

Farmdale: Farming Games & Town with Villagers Review

Mas nalalapit ang gameplay ng Farmdale: Farming Games & Town with Villagers sa Diner Dash kumpara sa Farmville na kaparehas nito ng tema. Kagaya ng Diner Dash, kailangan mo munang hintayin ang karakter na makalapit sa lugar kung saan gagawin ang task. Hindi kagaya ng sa Farmville na isang pindot mo lamang ay maaari nang makumpleto ang gawain. Kung bago sa iyo ang ganitong uri ng paglalaro ay huwag mag-alala dahil narito ang Laro Reviews upang gabayan ka at bigyan ng mahahalagang tips sa paglalaro!

Sundin ang Main Quest

Makikita sa kaliwang banda ng iyong screen ang iyong main quest. Ito ang magsisilbi mong gabay upang matukoy kung ano ang susunod na hakbang na iyong gagawin. Sa bawat tab na maaaring lumabas ay maaaring may nakapaloob pang mini quest na kailangan mong gawin bago tuluyang makumpleto ang isang quest. Basahin ito nang maigi at pindutin ang Hint button para malaman kung saan at paano makukuha ang nakasaad na task.

Mag-imbak ng resources

Ugaliin ang pag-iimbak ng resources, partikular na ang mga produktong kinakailangan ng mahabang proseso bago makuha. Nang sa gayon, magiging handa ka oras na lumabas ito sa iyong main quest o kaya naman ay kapag lumabas ito sa listahang pwede mong ibenta. Ilan sa mga mahahalagang produktong dapat ay may extra ka sa iyong Storage ay ang Wheat Bread, Chicken Feed, Cow Feed, at Cookie.

I-maximize ang pag-multitask

Gaya ng nabanggit kanina, ang gameplay ng larong ito ay tila pareho ng sa Diner Dash. Ngunit kumpara sa Diner Dash, walang oras na kailangang habulin dito sa Farmdale: Farming Games & Town with Villagers. Ang tanging pagkakataon lamang na kailangang ikonsidera ang oras ay ang kailangang hintayin para sa pagproseso ng resources at mga produkto. Kaya ang teknik para mapabilis na matapos ang iyong mga responsibilidad ay sa pamamagitan ng sunud-sunod na pag-click ng mga lokasyon kung saan nais mong papuntahin ang karakter. Halimbawa na lamang, matapos dalawang beses na i-click ang puno para mapitas ang mga bunga nito at madiligang muli, pindutin agad ang manok para naman kolektahin ang itlog. Magsanay lang nang magsanay na gawin ito para maging efficient ang iyong buong karanasan sa pagpa-farm.

Maging alerto sa mga tapos ng produkto o resources

Dahil magkakaiba ang waiting time sa bawat produkto o resources sa larong ito, mahalagang matiyak mong walang nakaantabay na mga produkto o resources. Dahil kung hindi, masasayang ang oras na nakatambay ito sa halip na naghihintay ka na lamang matapos ang proseso. Siguraduhin ding hindi ka nagkukulang sa mga pangunahing resources na kakailanganin bilang sangkap sa mga mga produkto. Ilan na rito ay ang palay, mais, itlog, at gatas.

Mag-upgrade nang mag-upgrade!

Huwag kakaligtaang i-upgrade ang iyong mga facility, storage, at iba pang proseso sa farm. Maaaring mapapaikli nito ang waiting time na kakailanganin para matapos ang proseso o kaya naman ay mapaparami ang pwedeng magawang produkto sa isang cycle. Gayunpaman, kailangan mo pa rin maging matalino sa pamamahala ng iyong crystals lalo na kung ikaw ay naglalaro lamang sa free-to-play zone. Limitado lamang itong makukuha kaya tiyaking kung gagamitin ito ay magiging kapakinabangan maging sa mahabang panahon.

Farmdale: Farming Games & Town with Villagers Review

Pros at Cons ng Farmdale: Farming Games & Town with Villagers

Isa sa aspetong mapapansin sa Farmdale: Farming Games & Town with Villagers ay ang mababa nitong waiting time kumpara sa ibang farming game. Hindi mo kinakailangan maghintay ng mahabang panahon para lamang matapos ang isang proseso.Maging ang nakalaang oras din sa pagbebenta ng goods gamit ang iyong Donkey ay agaran din kaya madaling makuha ang premyo. Bukod pa rito, mabilis ding mapuno ang iyong enerhiya. Madali ring matapos ang mga gampaning nakasaad sa Main Quest. Mainam din itong ipalaro sa mga bata dahil may instruksyon na nakalagay kung paano ito makukumpleto. Reasonable din ang hinihinging kabayaran para ma-unlock ang iba pang area sa farm. Dagdag pa rito, ang isa pang katangian ng Farmdale: Farming Games & Town with Villagers na talaga nga namang hinangaan ng Laro Reviews ay ang kawalan nito ng ads na maaaring makasagabal sa gameplay ng isang manlalaro. Wala nang nanghihikayat na manood ng ads para ‘di umano’y mapabilis ang paghihintay. Wala ring pop-up ads na biglaan na lamang lalabas sa tuwing matatapos ang isang proseso.

Sa kabila ng mga nabanggit, kinakitaan pa rin ito ng mga bagay na kailangan nitong pag-ibayuhin. Gaya na lamang ng touch gameplay nito. Sinusumpong ang system paminsan at hindi nagiging sakto ang ilang pagpindot. Maliit din ang ilang mga icon kaya sa halip na ang isang bagay ang pipiliin, napipindot ang katabi nito. Higit sa lahat, marahil ang isang balakid na kinakaharap ng Farmdale: Farming Games & Town with Villagers ay ang kawalan nito ng dagdag na content para magpahikayat sa mga manlalarong manatili sa paglalaro at pupukaw pa lalo sa kanilang interes. Paulit-ulit na lamang ang mga gagawin kaya nagdudulot ito ng pagkabagot. Sa dinami-rami ng iba pang larong nagbibigay ng mas kapanapanabik na tampok, ito ang magiging batayan kung sisikat ba ang isang laro at mamayagpag sa naturan nitong genre. Kaya mainam kung aaksyunan ito ng game developers lalo pa’t malaki ang potensyal ng Farmdale: Farming Games & Town with Villagers.

Konklusyon

Itinuturing ang Farmdale: Farming Games & Town with Villagers bilang isa sa pinakamagandang farming game. Tipikal sa mga larong nagtataglay ng ganitong tema ay ang paggugol ng mga manlalaro ng mahabang oras para hintayin ang waiting time na kinakailangan para matapos ang mga produkto o resources. Bagama’t may option para maglabas ng pera para bumili ng premium currency na makakatulong mapabilis ang usad ng mga ito, hindi lahat ay may kakayahang maglabas ng pera para dito. Ito ang isa sa strongest points ng Farmdale: Farming Games & Town with Villagers dahil maiksi ang waiting time nito kumpara sa ibang mga laro. Dagdag pa rito, wala ring nakakasagabal na pop-up ads o kaya naman ay option na nanghihikayat manood ng ads para sa dagdag na pabuya. Dahil mabilis matapos ang mga proseso, mas madaling mapapamahalaan ang farm na magreresulta ng agarang pagpapataas ng level. Sa kabila nito, kailangan mag-step up ang Game Garden kung nais nitong maungusan ang mga kakumpitensyang mobile games. Kinalaunan ng paglalaro ay marami ang nakakaramdam ng pagkabagot dahil nagiging paulit-ulit na lamang ang takbo ng laro. Wala ring bagong content na patuloy na pupukaw sa mga manlalaro.

Gayunpaman, inirerekomenda pa rin ng Laro Reviews ang Farmdale: Farming Games & Town with Villagers para sa mga mahilig sa farming games o ‘di kaya naman ay para sa mga naghahanap ng bagong mapaglilibangan. Kaya ano pa ang hinihintay ninyo? I-download na ang larong ito!